PULIS, MILITAR SA UNIBERSIDAD, TINUTULAN

imee marcos23

(NI NOEL ABUEL)

MARIIN ang pagtutol ni Senador Imee Marcos sa panukalang magtalaga ng mga pulis at militar sa loob ng mga unibersidad bilang hakbang para mapigilan ang patuloy at lumalakas na recruitment ng mga makakaliwang grupo sa hanay ng mga kabataang estudyante.

Sinabi ito ng senador kasabay ng pagsasabing higit lamang lalakas ang recruitment ng mga grupong makakaliwa kung itutuloy ng pamahalaan ang plano nitong bantayan ng mga pulis at militar ang mga aktibidad ng mga estudyante sa loob ng mga paaralan.

“Ano ‘yan garison?! Tiyak na ang daming sasaling estudyante sa mga ‘progressive organizations’ kung ilalagay mo ang mga pulis at militar sa mga unibersidad,” tanong ni Marcos.

Sa halip aniya na bigyan ng solusyon sa problema ng recruitment ay lalo lamang lalala ang sitwasyon sa mga paaralan.

Sinabi ni Marcos na ang paaralan bilang lugar o merkado ng karunungan, ang mga estudyante mismo ay maaaring bumuo ng kanilang mga organisasyon bilang alternatibo sa inilalakong ideya ng mga makakaliwang grupo.

“Hayaan natin ang mga estudyante ang tumunton at umalam sa tama at mali para sa kanilang pag-unlad at ikabubuti.  Mapatutunayan ito sa pingkian ng mga ideya sa kung sino ang wasto sa mga ginagawa ng grupo ng mga estudyante,” paliwanag ni Marcos.

Binigyan diin pa nito na mabibigo lamang ang pamahalaan sa layunin nitong pigilan ang recuitment o pagpasok ng mga komunista sa hanay ng mga kabataang estudyante kung itatalaga ang mga pulis at militar sa mga unibersidad.

98

Related posts

Leave a Comment