(NI AMIHAN SABILLO)
INIUTOS na ni PNP OIC PLt. Gen. Archie Francisco Gamboa sa PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) na tugisin ang mga pulis na gumagamit ng mga sasakyang na-recover ng PNP.
Kasabay ng bilin ni Gamboa sa PNP-Highway Patrol Group na ibigay ang listahan ng mga impounded at na-recover na sasakyan ng PNP sa IMEG para ma-trace kung may mga pulis na gumagamit ng mga ito.
Meron umanong mahigit 200 na 4 at 2 wheeled vehicles na na-impound o narecover na carnapped vehicle sa imbentaryo ng HPG.
Sinabi pa ni Gamboa na noong nagsimula siyang manungkulan bilang OIC, pina-execute niya ng affidavit ang mga unit commanders na walang pulis na gumagamit ng mga recovered vehicles na nasa kanilang pag-iingat.
Babala naman ni Gamboa, mananagot din ang mga unit commanders kung matuklasan ng IMEG na may mga tauhan sila na gumagamit ng mga naturang sasakyan.
Muling ipinaala ni Gamboa ang umiiral na PNP standard operating procedure number 7, kaugnay ng tamang pag-iingat ng ebidensya.
360