QUAD COMM MAY ‘ALAS’ PA VS GARMA, LEONARDO

ISA pang testigo laban kina dating Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) general manager Royina Garma at National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo sa pagpatay kay ret. police general Wesley Barayuga ang nakatakdang humarap sa Quad Committee.

Ito ang kinumpirma ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng Quad Comm kaugnay ng pagpatay kay Barayuga noong July 30, 2020 na iniutos umano nina Garma at Leonardo, base sa testimonya ni Police Lt.Col. Santie Mendoza.

“Meron pa kaming hinihintay na isang witness na maaaring mag -corroborate dun sa sinabi ni Santie Mendoza saka ni Nelson (Mariano). Ito ay ifo-forward namin sa CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) para magkaroon na ng closure ang pagkakapatay kay general Barayuga,” ani Barbers.

Sinabi ng mambabatas na hindi inaasahan nina Garma at Leonardo na matatalakay ang isyu sa pagpatay kay Barayuga sa pagdinig ng komite noong Biyernes kaya nagulantang ang mga ito nang biglang ilabas ng mga ito sina Mendoza at Mariano.

“Kitang kita sa mukha nila noong nagsasalita na si Col. Santie Mendoza gulat na gulat sila. Noong pumasok yung dalawang witness ay nagulat sina Col. Garma at saka Col. Leonardo,” paglalarawan ni Barbers sa reaksyon nina Garma at Leonardo.

Lumalabas din sa pagdinig na sadyang inisyuhan ni Garma ng service vehicle si Barayuga dahil ang kinontak ni Mariano na assassin na nagngangalang Loloy ay nagrereklamo umano dahil hindi nila matiyempuhan ang kanilang target dahil sumasakay ito ng pampublikong sasakyan at ayaw umano ng mga ito na may madamay na sibilyan.

“Kaya binigyan ni GM Garma si General Barayuga ng service. Inisyu sa kanya sa umaga (ang sasakyan) pagdating ng hapon, pinatay na siya,” ani Barbers kung saan inilarawan umano nina Mendoza na ‘nakahon’ ang dating Board Secretary ng PCSO na nakatakdang humarap umano sa National Bureau of Investigation (NBI) para isiwalat ang mga katiwalian sa nasabing ahensya.

Samantala, naniniwala si Barbers na maaaring gawing state witness at makapapasok sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) si Mendoza at Mariano dahil mabigat ang testimonya ng mga ito laban kina Garma at Leonardo.

Sina Garma at Leonardo ay kasalukuyang nakakulong sa Batasan Pambansa Complex matapos ma-cite in contempt ang mga ito dahil sa patuloy na pagsisinungaling. (BERNARD TAGUINOD)

100

Related posts

Leave a Comment