(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
SA halip pag-initan ang budget ng Office of the Vice President, mas dapat imbestigahan ang napaulat na pagbebenta ng gold reserves ng Pilipinas.
Pahayag ito ni dating chief presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo patungkol sa mga pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng binuong quad committee.
Ani Panelo, bakit hindi usisain ng mga komite ng Kamara ang nasabing usapin.
“Iyan ang mga tunay na dapat imbestigahan. Bakit nagbenta. Paano ang kalakaran. Saan pupunta, ‘yun ang mga magandang imbestigahan,” ani Panelo kanyang programa sa SMNI.
Ayon sa datos ng online brokerage aggregator na BestBrokers, ang Pilipinas ang may pinakamalaking gold activity sa buong mundo sa nakalipas na anim na buwan.
Nagbenta umano ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng mahigit 24 na tonelada ng ginto na itinuturing na pinakamalaking bulto na nabenta sa mga bansang kasapi ng World Gold Council mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Paliwanag ng ekonomista na si Dr. Michael Batu, mahalaga ang ginto sa isang bansa.
“Halimbawa kung gaano karami ‘yung silver and gold na meron ang isang bansa, ganoon ang metro kung gaano ka-valuable ang kanilang ekonomiya,” ayon kay Dr. Michael Batu, Ekonomista.
Buwan ng Agosto ngayong taon, pumalo sa 2,500 USD (P140K) per ounce ang bentahan ng ginto.
Pumatak naman sa 2,636 USD per ounce ang presyo ng ginto ngayong buwan o mahigit P147K.
Hunyo ngayong taon nang maitala ang pinakamahinang halaga ng piso kontra dolyar sa palitang P58.78 kontra 1 US Dollar. Duda ni Batu, posibleng kaya nagbenta ng ginto ang bansa ay para palakasin ang piso kontra dolyar.
“Halimbawa, gusto ng Bangko Sentral na i-manage o i-control ang pagbulusok ng piso. So, ibig sabihin ayaw nilang paabutin ‘yan ng P60. So, anong kailangan nilang gawin diyan? Kailangan nilang mag-supply ng US dollar sa merkado. Kapag nagpapasok sila ng US dollar sa merkado, tataas ang supply. Mangyayari niyan is hihina ang dollar, tataas ang piso,” aniya.
Gayunman, kwestyunable sa kanya kung bakit ganoon kalaki ang binentang ginto ng Pilipinas.
Sa panig ng Central Bank, bahagi anila ng kanilang ‘active management strategy’ ang pagbenta ng ginto at sinamantala nila ang pagkakataon na gawin ang hakbang dahil sa mataas na presyo ng ginto sa merkado.
26