RADIO ANNOUNCER BINARIL HABANG NAGBO-BROADCAST

DEAD on arrival sa pagamutan ang isang radio broadcaster nang pagbabarilin habang nagsasahimpapawid ng kanyang programa kahapon sa bayan ng Calamba sa Misamis Occidental.

Ayon sa inisyal na ulat ng Calamba Municipal Police Station, patay sa pamamaril ang journalist na si Juan Jumalon, o mas kilala bilang si ‘Johnny Walker’ 57, radio anchor at station manager ng Gold FM 94.7 na nasa kanilang bahay sa Barangay Don Bernardo A. Neri.

Sinasabing pinasok ng hindi pa kilalang suspek ang gate ng bahay ng radio announcer at saka nilapitan sa kanyang radio booth at binaril ang broadcaster habang naka-ere.

Nanawagan ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Philippine National Police (PNP) para sa agarang pag-activate ng Special Investigation Task group (SITG) upang agad na makilala ang suspek o utak sa likod ng paglikida.

Ayon sa inisyal na ulat mula sa Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) ng PNP, may kumakalat na viral video na makikita si Jamalon na dalawang beses binaril ng suspek habang nagsasalita ito nang live online at hinablot din ang kanyang gintong kwintas bago tumakas ang suspek mula sa pinangyarihan ng krimen.

Nagawa pang maisugod ng kanyang asawa sa Calamba District Hospital si Jamalon subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ang biktima.

Ani PTFoMS executive director, Usec. Paul M. Gutierrez, “Even as we extend our sympathy to the victim’s family and friends over this dastardly attack, we also call on the Misamis Occidental Police Office to immediately constitute its SITG to investigate this incident and apprehend the suspect and others possibly involved in the interest of justice.”

Ayon kay Police Capt. Diore Ragonio ng Calamba Municipal Police Station, may sinusundan na silang lead sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek base sa paunang testimonya ng anak ng biktima.

Posible rin umanong hindi work related ang kaso pero matindi umano ang motibo sa likod ng pamamaril.

“Sa investigation namin sa anak niya, may mas malalim pa na pwedeng dahilan sa pagkabaril niya,” anang opisyal sa isang panayam.

Kung mapatutunayang work related ang pagpaslang kay Jumalon, siya ang magiging 199th journalist na napatay simula noong 1986 sa Pilipinas, itinuturing na pangwalo sa “countries with the worst records on prosecuting killers of journalists.”

(JESSE KABEL RUIZ)

683

Related posts

Leave a Comment