(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
DAPAT imbestigahan ang isinagawang raid ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kamakailan.
Inulan ng batikos ang pagsalakay ng grupo ni NBI Region 11 Director Archie Albao kaugnay ng monitoring nito sa mga aktibidad ng pinuno ng KOJC na si Apollo Quiboloy dahil nagdulot umano ito ng pagdududa sa integridad ng mga aksyon ng ahensya.
Mismong ang dating pastoral ng KOJC na si Arlene Stone at pangunahing complainant sa kaso laban kay Quiboloy, ay kinondena ang raid sa isang panayam na ngayo’y umiikot sa social media.
Bahagi ng rebelasyon ni Stone, noong panahon na siya ay nasa KOJC, regular umano niyang inaabot ang mga sobre na may lamang pera kay Director Albao, na inakusahan niyang may malapit na kaugnayan kay Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Isa yan si Archie Albao sa mga tao na binigyan ko noon ng envelope full of money. Kaya nila ginawa yun para maunahan nila yung PNP. Para to tell the public they are doing their job but very obvious naman sa video na para lang sila namamasyal doon,” pahayag ni Stone.
Ang ‘scripted’ na raid ay isinagawa matapos magpahayag si Police Regional Office 11 (PRO-11) Regional Director PBGen. Nicanor Torre na si Quiboloy ay nasa loob pa rin ng KOJC compound. Gayunpaman, ang raid ay malawakang binatikos dahil sa kakulangan nito ng agarang aksyon at pagiging epektibo.
Sa parehong panayam, sumang-ayon ang mga netizen sa mga alalahanin ni Stone at nanawagan kay NBI Director Jaime Santiago na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga aksyon ni Albao.
Patuloy na lumalakas ang panawagan kay Santiago na magpataw ng mga disiplinaryong hakbang at maglunsad ng imbestigasyon ang Kongreso upang masusing talakayin ang insidente. Marami ang nanawagan na imbitahan si Stone bilang resource person upang magbigay ng detalyadong testimonya tungkol sa umano’y papel ni Albao bilang informant ni Quiboloy sa loob ng NBI.
Sinisikap ng pahayagang ito na makuha ang panig ni Albao hinggil sa akusasyon at reklamo ni Stone na naka-base ngayon sa Amerika.
74