RALLY KONTRA ILOILO BROWNOUT HINARANG

BINARIKADAHAN kahapon ng Manila Police District (MPD) ang buong Padre Faura sa Maynila matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa kilos protesta na isasagawa ng consumer group na Ilonggo Consumers Movement sa harap ng tanggapan ng Supreme Court (SC).

Ayon kay MPD Station 5 Commander Lt Col. Ariel Caramoan, may 55 pulis ang kanilang dineploy sa lugar para magbantay laban sa mga raliyesta. Aniya, mahigpit na ipinagbabawal sa Inter Agency Task Force (IATF) Omnibus Guidelines ang pagsasagawa ng anomang protesta kaya naman kung magpupumilit ang grupo ay kanilang aarestuhin at maaaring kasuhan ng paglabag sa Revised Penal Code dahil sa illegal assembly bukod pa sa paglabag sa IATF rules sa social distancing.

Ang nasabing grupo ay una nang nagpadala ng imbitasyon sa media para magkaroon ng coverage ang kanilang gagawing kilos protesta sa harap ng Korte Suprema bilang pagkondena umano sa nagaganap na brownout sa Iloilo City.

Sinabi ni Tuesday Calma, coordinator ng grupo na napilitan silang umatras sa planong protesta matapos makita ang maraming pulis bukod sa pinagbawalan umano sila na magdaraos ng pagkilos kaya naman isang press conference na lamang ang kanilang ipinatawag sa Max Restaurant sa Maria Orosa.

“Pinagbawalan kami ng guard ng SC na hindi raw pwedeng magprotesta at sabi ng mga pulis ay hindi rin pwede kaya umalis na lang kami,” paliwanag ni Calma na dumiretso sa press conference kung saan 4 lamang silang taga Ilonggo Consumer Movement na humarap sa media, namigay ng press releases at nagkaroon ng photo opportunity habang hawak ang placard na nagsasaaad na “No to More Power in Iloilo”.

Aminado naman ng mga kasapi ng grupo na bagamat kumakatawan sila sa Ilonggo Consumer Group ay hindi sila nakabase sa Iloilo at sa Maynila na sila nagtatrabaho at naninirahan kaya hindi ganoon kabihasa sa Ilonggo dialect.

Iniuugnay ang grupo sa Panay Electric Company (PECO) subalit nilinaw ni Calma na wala silang koneksyon dito at ang kanilang ginawang aksyon ay walang kinalaman sa magaganap na imbestigasyon ngayong araw ng Iloilo City

Council kaugnay sa argumento ng ilang konsehal na dapat imbestigahan ang nagaganap na brownout sa Iloilo City. Bagamat pinagbawalan, nagbanta ang grupo na may mga pagkilos pa silang gagawin sa mga susunod na araw.

Una nang sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na bawal ang anomang pagkilos sa Maynila sa panahon ng public health emergency.

“They are all welcome in Manila at any given time, ang pakisuyo ko lang wag lang nila gagawin ngayon, and we will implement what we have to do, and I hope this will be a fair warning. If protesters conduct gatherings and violate policies, then he (MPD Director General Rolando Miranda) will have to do his job to protect Manilenyos,” pahayag ni Moreno sa mga nagnanais na magprotesta sa Kamaynilaan.

Sinabi ni Miranda na malinaw ang direktiba ng lokal na pamahalaan na bawal ang anomang pagkilos kaya naman nakaalerto ang kapulisan sa mga raliyesta. Nakiusap din ito na kung ayaw nilang maaresto at makasuhan ay mainam na huwag nang subukan na magdaos ng protesta.

Ang power service sa Iloilo City ay hawak na ngayon ng bagong Distribution Utility na More Electric and Power Corp. (More Power) na inisyuhan ng legislative franchise ng Kongreso at Certificate of Public Convenience and Necessity.

Una nang sinabi ng Energy Regulatory Commmission (ERC) na ang pangangasiwa sa power supply sa Iloilo City ay wala na sa PECO matapos na rin bawiin ang operational permit nito at hindi i-renew ang kanilang prangkisa bunga na rin ng mga reklamo sa operasyon nito na idinulog sa Kongreso.

217

Related posts

Leave a Comment