(NI JESSE KABEL)
PRESSURED ang mga film outfit at mga television network na masagawa ng internal cleansing sa kanilang mga artista bunsod ng ingay na nilikha ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa 31 celebrities na sangkot sa illegal drugs.
Maging ang mga kapwa artista ngayon ay nananawagan sa PDEA na ilantad na ang sinasabing mga celebrities na nasa kanilang drug watchlist.
Dahil dito, hinamon ng PDEA ang malalaking TV networks at mga film company na isailalim sa drug testing ang kanilang mga artista.
Nabatid na nagpahayag na ang dalawang higanteng TV networks na magsasagawa sila ng random mandatory drug test sa kanilang mga talents .
Subalit napag alaman na nais ni PDEA director general Aaron Aquino na makita ang resulta ng mga random drug tests.
Hindi naman inihayag kung ito ay upang makumpirma o makita kung kasama sa mga sumailalim sa drug testing ang 31 aktor at actress na nasa kanilang watch list.
Una rito ay inihayag ng dalawang malaking TV networks na nagpapatupad sila ng drug-free workplace sa kani-kanilang bakuran.
Tinitiyak ng GMA 7 na nagpapatupad ang kompanya ng drug free policy.
Sa isang statement sinabi ni ABS-CBN Corporate communications head Kane Errol Choa na mahigpit ang patakaran nila sa mga empleyado, kasama na ang mga talents at third party contractors, na sumasailalim sa random drug tests.
Sinasabing nakasaad sa mga kontrata at bahagi ng obligasyon ng kanilang mga talents ang pagsasailalim sa drug tests.
Nanindigan ang mga opisyal ng mga nasabing network na hindi papayagan ang paggamit ng iligal na droga at sinumang lumalabag sa patakaran ay pinapatawan ng kaukulang parusa.
218