(NI HARVEY PEREZ)
SISIMULAN sa Mayo 15, dalawang araw matapos ang midterm elections sa Lunes, ng Commission on Elections (Comelec), ang pagsasagawa ng Random Manual Audit (RMA) sa mga boto para sa halalan.
Binigyan-diin ni Comelec Commissioner Luie Tito Guia, head ng RMA Committee, mamimili sila ng may 715 polling precincts sa mga munisipalidad at lungsod na pagkukuhanan ng sample na siyang gagamitin sa proseso.
Tanging ang mga boto lamang sa pagka-senador, kongresista at mga alkalde ang kanilang bibilanganin.
Magsisilbi umanong lead convenor ng RMA ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE), katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA), matapos na tanggihan na ng National Movement for Free Elections (Namfrel) ang naturang tungkulin.
Nalaman na sa ilalim ng RMA, manu-manong bibilangin ang mga boto mula sa mapipiling polling precincts para matukoy kung tumutugma ito sa automated count ng mga Vote Counting Machines (VCMs), sa ilalim ng Automated Election System (AES).
Samantala, siniguro ng Comelec na magiging transparent ang RMA at hindi ito magiging dahilan nang pagkaantala ng proseso ng halalan.
327