(NI BERNARD TAGUINOD)
IGINIIT ng dalawang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na baligtarin ang sistema sa pagtataas ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno kung saan tanging ang matataas na opisyal lang umano ang nabubusog.
Ginawa nina Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite at ACT party-list Rep. France Castro ang nasabing panawagan dahil sa inaasahang salary increase sa may 1.8 milyong empleyado ng gobyerno sa 2020.
Kasama sa P4.1 Trilyong 2020 national budget ang P63 billion para sa umento ng mga empleyado ng gobyerno matapos dagdagan ng Senado ng P32 Billion ang orihinal na panukala ng Malacanang na P31 billion.
Subalit, ayon kay Gaite, sa mga nagdaaan Salary Standarnization Law (SSL) tanging ang matataas na opisyales ng gobyerno na may ranggong Director ang nagpipista dahil sila ang may pinakamataas na dagdag na sahod.
“Ang nakikinabang lagi (kapag nagkaroon ng salary increase) ay ang mga matataas na opisyal habang mumo lamang ang natatanggap ng mga ordinaryong manggagawa,” ani Gaite.
“Ang nagpi-fiesta ay ang matataas na opisyal. Baguhin ang patakarang ito, ang dapat mas malaki na umento ay ang mga ordinaryong manggagawa,” dagdag pa ng kongresista.
Ito rin ang panawagan ni Castro upang matulungan aniya ang mga rank and file employees lalo na ang mga public school teachers na kabilang sa mga dehado kapag nagkakaroon ng SSL.
“Dapat i-allocate ito (salary increase) sa mas mataas na porsiyento na may mabababang salary grade. Sa mga nagdaang SSL, luging-lugi ang rank and file employees,” ani Castro.
Inihalimba ng mambabatas ang katatapos na SSL 4 kung saan ang mga rank and file employees ay P2,000 lang ang itinaas ng kanilang sahod na hinati pa sa loob ng 4 na taon habang hindi pabababa sa P50,000 ang itinaas ng mga matataas na opisyales ng pamahalaan.
167