RATING NI VP INDAY APEKTADO SA PAGDEDMA SA BUDGET INQUIRY

HINDI na ikinagulat ng mga dating kaalyado ni Vice President Sara Duterte sa Kamara ang pagbaba ng kanyang trust rating dahil ayaw nitong sagutin ang mga tanong kung saan nito ginamit ang kanyang pondo.

Ginawa ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ang pahayag matapos nabawasan ng 10% ang trust rating ni Duterte sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre dahil mula sa dating 71% ay naging 61% na lamang ito.

“Hindi natin ikinakagulat ang patuloy na pagbaba ng ratings ni VP Duterte, lalo na’t hindi siya nagbibigay ng sapat na paliwanag ukol sa paggamit ng pondo ng OVP at DepEd. Pera ng bayan ang pinag-uusapan dito, kaya’t obligasyon niyang ipaliwanag ang mga kinukuwestiyon hindi tamang paggugol ng pondo,” ani Gonzales.

Noong Marso 2023, umabot sa 83% ang trust rating ni Duterte matapos lamang ang isang kalahating taon ay nabawasan na ito 22%.

Ginawa ang survey sa kasagsagan ng budget hearing ng Kamara kung saan tumanggi si Duterte na sagutin ang mga tanong kung papaano at saan niya ginamit ang kanyang confidential funds, hindi lamang sa Office of the Vice President (OVP) kundi sa Department of Education (DepEd).

Maging ang pagbaba ng approval rating ni Duterte ay ikinakabit ni Gonzales sa hindi pagganap ni Duterte sa kanyang tungkulin bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno nang hindi nito siputin ang Kongreso para idepensa ang kanyang budget.

Sa nasabi ding survey, umaabot na lamang sa 60% ang approval rating ni Duterte mula sa 69% na naitala nito noong June 2024. (BERNARD TAGUINOD)

73

Related posts

Leave a Comment