RAZON-UY MALAMPAYA DEAL KIKILATISIN SA SENADO

DAPAT kilatisin nang maigi ang kasunduan nina Enrique Razon at Dennis Uy hinggil sa pagbebenta ng huli ng kanyang shares sa Malampaya gas field project kung pabor sa consumer, gobyerno, at makasasapat sa suplay, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Kamakailan lang, lumagda ng kasunduan na bilhin ni Razon ang shares of stock ni Uy sa Malampaya.

“Hindi pa natin alam ang detalye ng kasunduan. Kaya naman higit na kailangan nating pangalagaan ang kapakanan ng ating mga kababayan lalo na’t ang Malampaya ang kaisa-isang gas field sa bansa,” sabi ni Gatchalian na nakatakdang maghain ng resolusyon sa Senado kasunod ng naging kasunduan.

Ipinaalala ni Gatchalian sa kampo nina Razon at Uy na lahat ng kasunduan ay kailangang dumaan muna sa Department of Energy (DOE) sa ilalim ng Presidential Decree (PD) No. 87 at Department Circular (DC) 2007-04-0003 bago maisapinal ang mga ito. Layon ng PD 87, o ang Oil Exploration and Development Act of 1972, na maglatag ng mga regulasyon para sa exploration activities upang makadiskubre ng mga bagong mapagkukunan ng produktong petrolyo. Ang Service Contract (SC) 38 naman o ang mismong Malampaya project ay ipinatupad sa ilalim ng

naturang batas.
Ayon kay Gatchalian ang nabanggit na department circular ay nagsasaad ng mga panuntunan at pamamaraan upang masiguro na ang assignee o transferee ay may sapat na legal qualification,

financial resources, technical expertise at sapat na karanasan upang maisakatuparan ang mga obligasyon sa ilalim ng petroleum service contract.
“Muling pinatotohanan ng kasunduang Razon at Uy ang matagal nang pinangangambahang walang pinansyal na kapasidad si Uy na magpatakbo ng Malampaya,” ani Gatchalian.

“Noong nakaraang taon, nakatakda sanang bilhin ng kumpanya ni Uy na Malampaya Energy XP Pte. Ltd. (Malampaya Holdings) na subsidiary ng MEXP Holdings Pte. Ltd. (MEXP Holdings) ang 45% stake ng Shell Exploration B.V. (SPEX) sa Malampaya. Pero hindi ito natuloy dahil hindi ito pinayagan ng Philippine National Oil Company (PNOC EC). Ang PNOC EC ay may 10% stake sa Malampaya.

“Kailangang maging maingat tayo at manatiling nakabantay sa ganitong mga uri ng transaksyon dahil nakasalalay dito ang seguridad ng enerhiya ng buong bansa. Ang Malampaya ay nagsusuplay ng trenta porsyentong pangangailangan ng kuryente sa Luzon o bente porsyento sa buong Pilipinas,” sabi ni Gatchalian. (ESTONG REYES)

Related posts

Leave a Comment