Reaksyon ng solon sa mungkahi ng DTI BBM PURO PANGAKO KAYA PINOY, ‘KAMOTE DIET’

(BERNARD TAGUINOD)

PINATUTSADAHAN ng isang mambabatas sa Kamara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil kung tinutupad lamang umano nito ang kanyang pangako ay hindi kailangan magdildil sa kamote ang mga Pinoy.

Kasabay nito, kinastigo naman si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual sa panukala nitong baguhin ang diet ng mamamayan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.

Sa kanyang pahayag sa isang forum, sinabi ni Pascual na “Yun nga nag-iisip tayo kasi it’s very traditional di ba, we are used to eating rice during breakfast so mahirap mag-shift. Sa iba naman pandesal yung breakfast, regular na yun. But there are other alternatives, pwede namang camote, white corn”.

“Pero may rason bakit nagkakanin palagi ang mga manggagawa at magsasaka sa kanilang pagkain, ito ay dahil kailangan nila ng maraming enerhiya sa hirap ng kanilang mga trabaho na mostly ay manual labor,” pagsupalpal ni ACT party-list Rep. France Castro.

Ayon sa mambabatas, ang ganitong pahayag ng isang Kalihim na naatasang protektahan ang mga consumer laban sa mga mapagsamantalang negosyante ay hindi katanggap-tanggap lalo na’t lumulutang ang isyu na kagagawan ng rice cartel ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Hindi na kailangang baguhin aniya ng mga tao ang kanilang diet kung tinupad lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kanyang pangako na makakabili ang mga tao ng bigas sa halagang P20.

Gayunpaman, kabaliktaran ang nangyayari dahil pataas nang pataas ang presyo ng bigas na ang pinakamababa ngayon ay P44 kada kilo.

“It is the height of insensitivity to simply say just change your diet when the price rice or other basic commodity keeps increasing,” ayon pa kay Castro na sinusugan naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

“The current crisis of high prices and low wages should be the government’s top concern. Kung meron man dapat mag-adjust, ito ay ang gobyerno,” pahayag pa ni Brosas.

98

Related posts

Leave a Comment