RED TIDE INIULAT SA 4 BAYBAYIN SA VISAYAS, MINDANAO

INANUNSIYO ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagpositibo sa paralytic shellfish poison (PSP) o toxic red tide na lampas sa regulatory limit ang apat na baybayin sa Visayas at Mindanao.

Sa shellfish bulletin na inilabas nitong Setyembre 2, sinabi ng BFAR na ang lahat ng uri ng shellfish at acetes, na kilala rin bilang alamang sa Matarinao Bay sa Silangang Samar, baybayin ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at Lianga Bay sa Surigao del Sur ay hindi ligtas kainin.

Gayunpaman, sinabi ng ahensya na ang iba pang seafood bukod sa mga shellfish na nakolekta mula sa mga nasabing lugar ay ligtas para sa pagkain ng tao.

“Ang isda, pusit, hipon, at alimango ay ligtas na kainin ng tao basta’t sariwa at hugasan nang maigi, at ang mga panloob na organo tulad ng hasang at bituka ay tinanggal bago lutuin,” paliwanag ng BFAR.

Ang makakain ng PSP ay maaaring makaranas ng mga sintomas tulad ng pamamanhid ng mga labi at dila ilang minuto pagkatapos kumain. (LILY REYES)

Related posts

Leave a Comment