REMULLA, ABALOS, LUSOT NA SA CA; PLAGUESMA, NAKABITIN PA

LUSOT na sa Commission on Appointments ang ad interim appointments nina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. habang bigo pang makapasa si Labor Secretary Bienvenido Laguesma.

Sa pagdinig ng CA, kabilang sa mga inilatag ni Remulla ang plano nito para sa ahensya at ang pagpapatupad ng modernization at digitalization sa mga proseso.

Isa rin sa mga isyung natanong kay Remulla ang pagtugon ng Pilipinas sa hiling ng International Criminal Court na imbestigahan ang mga napaulat na kaso ng extra judicial killings ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Remulla, dahil hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas ay hindi na tayo maaaring magbigay ng impormasyon sa kanila dahil wala na silang hurisdiksyon sa ating bansa.

Samantala, kabilang sa tinutukan ng pagtatanong kay Abalos ang may kinalaman sa implementasyon ng Mandanas Supreme Court ruling hinggil sa pagtataas ng internal revenue allotment (IRA) para sa mga lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Senador Chiz Escudero na ngayong taon, inaasahang bababa ang IRA sa 2023 at 2024 ng 15 percent dahil batay ito sa internal revenue collections ng national government sa nakalipas na tatlong taon kasama ang 2020 nang tumama ang COVID 19 pandemic.

Dahil sa Mandanas ruling, ang dagdag na IRA na matatanggap ng LGUs mula sa national government ay nasa P755 billion.

Gayunman, aabutin naman ng P1.4 trilyon ang pondong kailangan upang tugunan ang mga ibinaba pang mandato sa lokal na pamahalaan mula sa national government.

Samantala, kinapos ng oras ang pagdinig para sa appointment kay Laguesma kaya nagdesisyon ang CA committee na suspendihin ang pagdinig at ipagpatuloy ang pagbusisi sa kwalipikasyon ni Laguesma sa Martes, September 20. (DANG SAMSON-GARCIA)

125

Related posts

Leave a Comment