REP. DUTERTE ATRAS NA SA SPEAKERSHIP RACE

paolo duterte12

(NI ABBY MENDOZA)

UMATRAS na sa agawan sa pagka-House Speaker si Presidential son at Davao City  1st District Rep. Paolo Duterte para bigyang-daan ang pagtutulak ng kandidatura ng isa rin nilang kaalyado mula sa Mindanao.

Sa isang statement, sinabi ni Rep. Duterte na matapos ang kanyang pakikipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes ng gabi, napagpasyahan nito na isaisantabi muna ang pagnanais na maging Speaker ng House of Representatives.

“I have personally spoken to President Rodrigo Duterte Thursday night in Davao City regarding my plan to run for speaker of the House of Representatives. We both agreed that this will not be the right time for me to be speaker and I can still help his administration from the House in a different capacity,” nakasaad sa statement.

Sa halip na tumakbo, sinabi ni Rep. Duterte na bilang Pangulo ng Hugpong sa Tawong Lungsod ay susuportahan nito ang pagluklok kay Davao City 6th District Rep. Isidro Ungab na una nang inendorso ng Hugpong ng Pagbabago, na partido ng kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Inihayag pa ni Rep. Duterte na alam na rin ng Presidente ang pagsali ni Rep. Ungab sa House Speakership race.

Kamailan lang ay inianunsyo ni Rep. Duterte ang kanyang pagnanais na maging House Speaker upang hindi na magkahati-hati ang Kapulungan sa isyu ng term sharing.

Sinundan ito ng pag-endorso kay Ungab.

Maliban kay Ungab kandidato pa rin sa speakerership race sina Leyte Rep. Martin Romualdez, Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, at Bayan Muna partylist Rep. Carlos Zarate.

Sa Hulyo 22 na magkaka-alaman kung sino ang mauupong House Speaker ng ika-18 Kongreso.

Samantala, naniniwala si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na ang pagkakatatag sa Duterte Coalition ay isang senyales na patay na ang super majority sa Kamara.

Ayon kay Brosas, halatang hirap na hirap ang mga naghahari na pumosisyon at magtalaga ng mga tao sa Mababang Kapulungan pero sa huli ay wala namang mapapala ang taumbayan sa nagkakaibang interes.

Hindi umano  maloloko ng koalisyon ang mga Pilipino dahil pangalan pa lang nito ay tinatraydor na ang pagiging hiwalay na sangay ng gobyerno ng lehislatira.

Giit ni Brosas na inaasahang magiging tapat lamang ito kay Pangulong Rodrigo Duterte at muling isusulong ang mga polisiyang kontra sa mahihirap.

Kumbinsido naman si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na magiging rubberstamp na naman ng administrasyong Duterte ang 18th Congress na magpapasa ng mga panukala tulad ng Charter Change, economic policies na kahalintulad ng TRAIN Law at pag-atake sa human rights defenders.

131

Related posts

Leave a Comment