(NI BERNARD TAGUINOD)
“ESPEKULASYON.”
Ganito inilarawan ni Antipolo Rep. Robbie Puno na maging Speaker si Presidential son at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte matapos itong sumanib sa kanilang partidong National Unity Party (NUP).
Sa press conference, sinabi ni Puno na dumoble na ang miyembro ng NUP mula noong nakaraang eleksyon kaya umaabot na ang mga ito sa 50 matapos maglipatan sa kanilang partido ang may 25 congressmen, kasama na si Duterte.
Gayunpaman, hindi umano ito indikasyon na si Duterte ang susunod na Speaker pagkatapos ng 15 buwan dahil may umiiral na term-sharing sa pagitan nina House Speaker Allan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.
“I’ve never heard of any of that (na si Duterte ang susunod na Speaker),” ayon pa kay Puno.
Bago naihalal bilang Speaker si Cayetano ay maugong na tatakbo bilang Speaker si Duterte subalit kalaunan ay kinontra rin ito.
PDP-LABAN NALALAGAS
Samantala, mistulang isa-isang nalalagas ang mga kasapi ng administration party na PDP-Laban matapos umabot sa 12 miyembro ng mga ito sa Kamara ang lumipat sa NUP.
Kabilang na dito sina San Jose del Monte Rep. Florida Robes at Paranaque Rep. Joy Tambunting na lumipat na umano sa NUP.
Ayon sa mga impormante, nagkakatampuhan sa loob ng administration party kaya naglalayasan na ang kanilang mga miyembro.
172