REP. MARCOS PUMALAG SA FAKE NEWS

(BERNARD TAGUINOD)

PINALAGAN ni Presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang isang post hinggil sa sibuyas na patuloy ang pagtaas ng presyo.

“More fake news, never said this or gave any interview,” ani Marcos hinggil sa post na nagsasaad na kanya umanong sinabi na hindi dapat pinagtatalunan ang tumataas na presyo ng pulang sibuyas.

“Why the big fuss about the prices of red onion? Common sense dictates that you use white onion when red onions are expensive and alternatively, you should use red onion when the white onions are expensive. Simple problems need simple solutions,” ayon sa post.

Itinanggi ni Marcos, senior Deputy Majority Leader ng Kamara na siya ang nagbigay ng nasabing pahayag kaya isa aniya itong fake news.

“Try harder guys,” dugtong pa ng panganay na anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Lumutang ang umano’y pekeng post sa gitna ng pag-akyat sa P260 hanggang P300 ang presyo bawat kilo ng sibuyas sa bansa na malayo sa P70 suggested retail price.

Unang nagmahal ang presyo ng puting sibuyas kaya madalas ay walang supply nito sa palengke dahil walang bumibili.

Ang batang Marcos ay isa sa mga binabantayan sa Kamara at inaabangan ang kanyang mga opinyon sa iba’t ibang isyu sa lipunan tulad ng pagkain.

Unang naging kontrobersyal ang reaksyon ni Marcos sa paghina ng piso kontra dolyar kung saan sinabi nito na “The peso is not weak because the peso is weak. The peso is weak because the dollar is strong.”

Maging ang suhestiyon niya sa mga magsasaka na magtanim ng dragon fruit ay nag-viral din. Iminungkahi ito ng mambabatas upang mas lumaki aniya ang kita ng mga magsasaka dahil bukod sa mataas ang demand ay tatlo hanggang apat na beses itong inaani kada taon.

34

Related posts

Leave a Comment