(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI totoong may water crisis sa Metro Manila bagkus ay tinuturuan lamang ang mga tao na magtipid dahil sa pagbaba ng level ng tubig sa Angat Dam.
“Walang (water) crisis,” ani out-going House Minority leader Danilo Suarez dahil binawasan lamang umano ang kinukuhang supply ng mga water concessionaires sa Angat Dam.
Sa Huwebes aniya, darating ang bagyong si Dodong at inaasahan na magdadala ng maraming ulan kaya inaasahan na tataas umano ang lebel ng tubig sa Angat Dam kaya wala umano umanong krisis sa tubig.
Nitong mga nakaraang mga araw ay limitado na ang oras ng supply ng tubig sa mga customers ng Manila Water at Maynilad hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga karating lalawigan na sakop ng kanilang konsesyon.
“Nagbawas (lang) ang Maynilad and Manila water by certain number of liters di ba? Pero ang kuwan ko dun is a,yung sinusupply ng MWSS ang binawasan pero by this time mayroon na silang sariling sourcing,” ani Suarez.
“Palagay ko ine-educate lang ang mga consumers na “ok magstart na tayong magtipid baka tumagal itong El Nino pero palagay ko mag-istart na itong La Nina eh. Maybe this week start na kapag dumating na si Dodong,” ayon pa sa mambabatas.
Nitong Martes, nagsagawa ng oversight committee hearing ang Kamara ukol sa problema sa supply ng tubig sa Metro Manila sa pangunguna ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon kay Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, tanging ang pagtatayo ng maraming dam ang solusyon para matiyak na hindi magkukulang ang supply ng tubig sa Metro Manila na patuloy ang pagdami ng populasyon.
Sinabi ng mambabatas, maaaring magtayo ng mga karagdagang dam sa Quezon, Pampanga, Nueva Ecija at Bulacan para masuplayan ang pangangailangan ng may 12 milyong residente sa Metro Manila sa mga susunod na panahon.
Napagkasunduan din sa nasabing pagdinig ang pagtatayo ng Department of Water upang isang ahensya na lamang ang tututok sa usapin ng tubig sa buong bansa.
165