Reserbang suplay ng kuryente hirit ni Imee IWAS-BROWNOUT SA ELEKSYON SA MAYO

NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na magtakda ng mga kaukulang hakbang para mapangasiwaan kung hindi man maiwasan ang mga brownout sa panahon ng botohan sa susunod na buwan.

Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on electoral reforms na wala pa ring katiyakan ang kakayanan ng suplay ng kuryente bago at pagkatapos ng mismong araw ng botohan dahil sa magkakaibang pahayag ng Department of Energy at mga pribadong grupo kabilang ang mga non-governmental organization Institute for Climate and Sustainable Cities.

Una nang ipinarating ng DOE sa tanggapan ni Marcos nitong Lunes na base sa apat-na-taon nilang talaan, ipinakikita na wala naman magaganap na yellow o red alert ang suplay ng kuryente sa Mayo, pero maaring tumaas bigla ang pangangailangan o demand dalawang linggo pagkatapos ng eleksyon.

Samantala, tinaya naman ng ICSC na kakapusin ng 1,335 megawatt ang supply ng kuryente sa Luzon sa pagitan ng Abril hanggang Hunyo kung kailan tumataas ang demand taun-taon.

“Kailangang agad tayong makapagkasa ng mga mekanismo para masiguro ang supply ng kuryente, bukod pa sa pagsasantabi muna ng mga iskedyul ng power maintenance. Hindi pwedeng iasa na lang natin sa pagkakataon,” diin ni Marcos.

Duda si Marcos na kayang madagdagan ang supply ng kuryente sa panahon ng eleksyon dahil wala pang naisasapinal and DOE at National Grid Corporation na hakbang sa pangongontrata para sa reserbang supply ng kuryente.

Para mapaghandaan ang mga posibleng blackout, hinimok ni Marcos ang DOE na balik-aralan ang kanilang “Interruptible Load Program (ILP) na pwedeng makabawas sa pasanin ng mga electrical power grid sa panahon at pagkatapos ng eleksyon sa Mayo 9.

“Kung pumalo sa yellow o red alert status ang paggamit ng kuryente, magagawa ng ILP na pakilusin ng mga power distributor na tulad ng Meralco ang kanilang malalaking customer na gamitin muna ang kanilang mga generator para suplayan ang publiko, sa halip na kumuha sa mga power grid,” paliwanag ni Marcos.

“Kailangan idetalye ng DOE ang pagsagawa ng ILP lalo na sa mga election hotspot kung saan ang halalan ay maaring isabotahe ng mga local terrorist groups,” dagdag ni Marcos.

Sa harap nito, sinabi ni Marcos na ang susunod na administrasyon ay kinakailangang pagtuunan ng pansin ang iba pang alternatibong mapagkukunan ng supply ng kuryente na tulad ng wind, solar at planta nukleyar. (DANG SAMSON-GARCIA)

112

Related posts

Leave a Comment