(BERNARD TAGUINOD)
SAMPAL sa mahihirap na Pilipino ang renovation ng mag-asawang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Bahay ng Pangulo sa Palasyo ng Malacañang.
Reaksyon ito ni dating Bayan Muna party-list Congressman Teddy Casiño matapos isapubliko ang mala-resort na Bahay ng Pangulo na ipina-renovate ng mag-asawang Marcos.
“The unveiling of President Bongbong Marcos’ newly renovated official residence, complete with luxurious amenities, is nothing short of a slap in the face to the 59% of Filipino families who consider themselves poor,” ani Casino.
Ayon sa dating mambabatas, malinaw na nakasaad sa Saligang Batas na kailangang mamuhay ng simple ang public officials subalit hindi ito sinunod ng mag-asawang Marcos.
Mistulang personal resort aniya ng pamilyang Marcos ang Bahay ng Pangulo na bagama’t hindi sinasabi kung magkano ang ginastos dito ay sampal ito sa mamamayang Pilipino na araw-araw ay problemado kung saan kukunin ang kanilang panggastos.
“Yung karamihan ng Pilipino ay hindi malaman kung saan huhugot ng pambayad ng renta o pagkain, pero ang Pangulo, nagpapakita ng karangyaan. May malinis na swimming pool, habang ang maraming komunidad ay walang maayos na tubig. This reeks of entitlement at a time when humility and accountability are most needed from our leaders,” litanya pa ni Casino.
Walang eksaktong impormasyon kung kailan sinimulan ang renovation sa official residence ng Bahay ng Pangulo subalit lumutang sa Youtube ang resulta nito kung saan mistula itong resort at pawang mamahalin ang mga muebles.
Wala aniyang problema na ayusin ang Bahay ng Pangulo subalit kailangang unahin ang pangangailangan ng mga Pilipino lalo na’t habang tumatagal ay bumibigat ang buhay ng mga ito dahil sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at baon sa utang ang pamahalaan.
“Public service should not feel like royalty. If he can’t grasp the gravity of the situation, it’s time we remind him that public office is a public trust, not a showcase worthy of an Oliver Austria YouTube video,” paalala ni Casino sa mga public officials.
107