REVGOV NI PARLADE PINATATABLA NG DND

HAYAGANG inatasan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang 145,000 sundalo sa ilalim ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na huwag patulan ang panawagang revolutionary government ni retired General Antonio Parlade sa gitna aniya ng garapalang katiwalian sa mga husgado at kongreso.

“Directed the AFP to ignore him, not listen to him,” maikling pahayag ni Lorenzana kasunod ng ulat hinggil sa pagtungo ng may 100 katao sa pamumuno ng dating Southern Luzon Command chief at dating deputy director-general ng National Security Council (NSC) sa People Power Monument sa kahabaan ng EDSA, bahagi ng Quezon City.

Sa panayam, nilinaw naman ni Parlade na hindi siya nanawagan para sa isang himagsikan. Gayunpaman aniya, nakahanda siyang pangunahan ang isang rebolusyonaryong pamamahala kung yun ang kailangan para malunasan ang kanser sa sistemang umiiral sa hudikatura, lehislatura at maging sa Commission on Elections (Comelec) na ayon sa kanya ay isang hitik na pugad ng korapsyon.

Dagdag pa ng retiradong heneral, sinagot lang niya ang tanong ng ilang mamahayag na sumugod sa Peoples Power Monument matapos na lumutang ang balitang nanawagan siya ng isang rebolusyon.

Katunayan aniya, nananatiling suportado niya ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, partikular sa kampanya ng gobyerno laban sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) at sa hanay ng grupong binansagan niyang dilawan.

“Buwagin ang Comelec. Palitan ang mga commissioner. Palitan ang sistema,” ani Parlade kauignay ng diumano’y pagtanggap ng mga opisyal ng Comelec ng milyon-milyong piso sa mga pekeng partylist groups na hangad ay akreditasyon ng poll body sa hangaring makasungkit ng pwesto sa kongreso.

Mananatili rin aniya siya sa People Power Monument sa mga susunod pang araw para dinggin ang hinaing ng mamamayan hanggang sa maiparating niya ang mga daing sa kinauukulan.
Kaugnay nito, sinasabi ng Malakanyang na bahagi ng garantisadong “freedom of speech and expression” ni Parlade ang panawagan nitong revgov.

Sinabi ni acting Presidential spokesperson at Presidential Communications Secretary Martin M. Andanar na gaya ng kautusan ni Secretary Lorenzana sa AFP, ang panawagan ng retiradong heneral ay makabubuting dedmahin o balewalain. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

163

Related posts

Leave a Comment