RICE CARTEL ‘ABSWELTO’ SA DA

MISTULANG pag-abswelto sa rice cartel ang pagbalewala rito ng Department of Agriculture (DA).

Ito’y dahil hindi umano naniniwala ang DA a may ganitong grupo bagaman matagal nang pinag-uusapan na may kartel sa bigas na nagiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

“I don’t believe in rice cartel,” sagot ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian sa tanong ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., na “do you believe in rice cartel”.

Medyo uminit ang ulo ni Abante sa sagot ni Sebastian dahil maging ang Philippine Competition Commission (PCC) at ang kanilang lungsod sa Maynila ay may rice cartel aniya.

“It is my first time to hear that there’s no rice cartel,” dismayadong pahayag ni Abante kay Sebastian.

Ayon sa mambabatas, isa sa mga modus ng kartel ay sila ang nagdidikta ng presyo ng palay na karaniwang binabarat ng mga ito sa mga magsasaka ngunit kapag nagbenta ng bigas ay masyado nang mahal.

Sa kanyang sagot, mistulang sinisi pa ni Sebastian ang mga magsasaka kung bakit mababa ang presyo ng kanilang palay dahil hindi aniya nagtatanim ang mga ito ng magandang klase.

Samantala, tila inamin naman ni DA Senior USec Domingo Panganiban na mahirap makamit ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na food security pagdating ng 2030.

Binalaan naman sila ni Abante na kapag nabigo ang ahensya na makamit ang food security ay magbo-boomerang ito kay Marcos.

Hindi rin masagot ng ahensya kung kailan matutupad ang isa pang pangako ni Marcos na bababa ng P20 ang presyo ng bigas.

Sa report ng DA sa nasabing pagdinig, P44 ang pinakamababang presyo ngayon ng bigas sa Metro Manila.

Wala pang nakasuhan

Kaugnay nito, wala pang naisasampang kaso laban sa onion cartel na naging dahilan umano ng pagtaas ng presyo ng sibuyas noong nakaraang taon.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa budget ng Department of Agriculture (DA) kahapon, inurirat ni House minority leader Marcelino Libanan sa ahensya kung may naisampa nang kaso laban sa onion cartel.

Hindi direktang sinagot ni Assistant Secretary for DA Inspectorate and Enforcement James Layug ang tanong ni Libanan subalit nagke-case build-up na umano ang mga ito laban sa onion cartel.

“Regarding the filing of cases, the undersecretary of DOJ Geronimo Sy conducted case conference on case build-up together with the Philippine Competition Commission, AMLAC, DTI and the Department of Agriculture to build-up cases against those responsible of rice of onion last year,” ani Layug.

Indikasyon ito na wala pang naisasampang kaso ang gobyerno laban sa mga negosyante na nagsabwatan umano kaya umabot sa P750 ang kada kilo ng sibuyas noong nakaraang taon.

Ang nasabing usapin ay inimbestigahan ng Kongreso kung saan sinabi ni Marikina Rep. Stella Quimbo na ang cartel ay binubuo ng mga kumpanyang nasa ilalim ng negosyanteng si Leah Cruz.

Noong July 4, iniutos mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Department of Justice at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan at kasuhan ang onion cartel.

Sa State of the National Address (SONA) ni Marcos noong July 24, muli nitong binantaan ang cartel ng sibuyas.

(BERNARD TAGUINOD)

53

Related posts

Leave a Comment