RICE-FOR-ALL NI BBM ‘AMPAW’ – FARMERS

TINAWAG ng isang grupo ng mga magsasaka na ampaw na programa ang ‘rice-for-all program’ ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr., dahil limitado at pansamantala lamang ito.

Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Amihan, tulad ng mga naunang rice program ng gobyerno mula 2022, hindi magtatagal ang rice-for-all program kung saan magbebenta na ang Department of Agriculture (DA) ng bigas sa halagang P41 hanggang P45 kada kilo.

“Paano sasabihing for all ito kung limitado lamang sa apat na Kadiwa stores sa halip na ibenta sa lahat ng pampublikong palengke sa buong bansa? Katulad lamang ito ng mga nagdaang hakbang na ipinatupad tulad ng P25 kada kilo noong 2022 at 2023, ng P41 at P45 kada kilong price cap na ipinatupad sa pamamagitan Executive Order 39 noong 2023 at ng Bigas P29, na pawang pantapal lamang ang ginagawa sa nagnanaknak na sugat,” ani Estavillo.

Nabatid na ang bigas na ibebenta sa ilalim ng rice-for-all program ay mga imported rice at bagama’t lahat ng sektor ng lipunan ay maaaring bumili ay limitado ang makabibili dahil hindi ito ibebenta sa lahat ng palengke kundi sa 4 na Kadiwa store lamang.

Kung talagang seryoso, ani Estavillo, ang gobyerno na maging abot-kaya ang bigas, dapat nitong palakasin ang lokal na produksyon at hindi lamang umasa sa ipinangako ng mga rice importing countries na bigas.

Kailangan lamang aniya dito ang political will at magkaroon ng komprehensibong plano para suportahan ang mga magsasaka sa palayan mula sa pagtatanim hanggang sa pagbili ng palay sa mga magsasaka at pagbebenta ng abot-kaya at de-kalidad na bigas sa mga palengke sa bansa.

Bukod dito, kailangang bilhin ng National Food Authority (NFA) ang palay na aanihin sa Setyembre hanggang Nobyembre upang matiyak na sapat na supply at ibalik sa ahensya ang mandato nito na magbenta ng murang bigas. (BERNARD TAGUINOD)

199

Related posts

Leave a Comment