Robin pinitik si BBM RESULTA NG FOREIGN TRIPS PANGAKO LANG

(DANG SAMSON-GARCIA)

HINDI nararamdaman ng taumbayan ang mga sinasabing foreign investment pledges sa pag-unlad ng bansa at maging ng kanilang sariling buhay.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Robinhood Padilla bilang tugon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi prayoridad ang pagsusulong ng pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas dahil may mga pumapasok nang foreign investments sa bansa.

“Narinig ko na rin po ito sa mga nagdaan na Pangulo. Nakalulungkot lamang po na tunay na hindi naramdaman ng mga ordinaryong manggagawa ang pag-unlad una ng Inangbayan; pangalawa pag-asenso ng kanilang buhay. Ang sinasabi nilang pagpasok ng dayuhang mamumuhunan ay hindi pa po ito nagiging makatotohanan,” pahayag ni Padilla.

“Kaya’t mula noon hanggang ngayon karamihan ng mga pledges ng mga foreign investors sa mga foreign trips ng ating mga mahal na Pangulo ay mananatiling pangako na lamang,” dagdag pa nito.

Dahil dito, nanindigan si Padilla na isusulong pa rin ang kanyang resolusyon para sa cha-cha kahit hindi ito suportahan ng Pangulo.

“Ako po ay narito sa Senado para sa ikaaayos ng Inang Bayan at impormasyon para sa mga Pilipino. Bilang kandidato ng Pangulo sa Uniteam, ako ay nakasuporta sa mga panukala niya para sa Senado. Pero ang sarili kong panukala, pabor man ang Mahal na Pangulo o hindi, obligasyon ko sa taumbayan ang isulong ito at marinig sa apat na sulok ng demokrasya ng Senado,” diin ni Padilla.

“Suportahan man o ibasura man ng mga kapatid sa Senado o i-veto man ng mahal na Pangulo, mahalaga na marinig ng taumbayan ang dahilan kung bakit pigil na pigil ang pag-unlad ng ating bansa,” dagdag ng senador.

50

Related posts

Leave a Comment