MISTULANG nilaglag ng kanyang kasamahan sa Kamara si Speaker Martin Romualdez kaugnay sa pangangalap ng lagda para sa isinusulong na Charter change.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Senador Ronald Bato dela Rosa na itinuro ng isang kongresistang kanyang nakausap na utos ni Romualdez ang pangangalap ng mga lagda para sa People’s Initiative.
Sinabi ni dela Rosa na humingi pa ng paumanhin sa kanya ang isang mambabatas na nakausap niya dahil sumusunod lamang umano sila sa atas.
Tumanggi naman ang senador na tukuyin kung sino ang kongresista na kanyang nakausap.
Kinumpirma rin ni Dela Rosa na maging sa Davao City ay mayroong nangangalap ng lagda kapalit ng P100 hanggang P3,000 bayad.
Ipinaliwanag ng senador na may claim stub na ibinibigay sa bawat pipirma sa People’s Initiative para makuha ang kanilang benepisyo na posible anyang mula sa TUPAD o sa AICS.
Muli namang ipinaalala ni dela Rosa na ang paglagda na may kapalit na anomang kabayaran ay magpapawalang saysay sa isinasakatuparang People’s Initiative.
(DANG SAMSON-GARCIA)
153