ROTC SA SENIOR HIGH APRUB NA SA KAMARA

rotc12

(NI BERNARD TAGUINOD)

APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na gawing mandatory ang Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa bansa.

Sa botong 167 pabor at 4 na kontra, lumusot na angHouse Bill 8961  na kabilang sa mga priority bill o gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging batas para maibalik ang pagiging makabayan umano ng mga kabataan.

Gayunpaman, hindi sa Tertiary o College level ipapatupad ang ROTC kundi sa mga Grade 11 at 12 sa pribado at pampublikong paaralan sa bansa at kabilang na ito sa dapat ipasa ng mga Senior High School bago sila maka-graduate.

Maliban dito, hindi lamang ang mga lalaking estudyante ang dadaan sa mandatory ROTC kundi ang mga kababaihan kasama na ang mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bi-sexual at Transgender (LGBT).

Noong 2002 ay inabolish ang mandatory ROTC sa mga college student matapos mamatay ang isang ROTC cadet ng University of Sto. Tomas noong 2001 na si Mark Welson Chua na nakatuklas umano ng katiwalian sa ROTC ng unibersidad.

Gayunpaman, ilang mambabatas ang nakapansin na simula nang mawala ang ROTC ay nawala na rin umano ang disiplina sa karamihan sa mga kabataang estudyante sa bansa.

Maliban dito, nawala na rin umano ang pagiging makabansa ng mga kabataan kaya naghain ang mga ito ng panukala para gawing mandatory muli ang ROTC sa mga estudyanteng Filipino at nakakuha ito ng suporta kay Duterte kaya agad na naipasa.

Tulad ng inaasahan, kinontra ito ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na kabilang sa 4 bumoto ng “no” dahil bukod sa pahirap lang ito sa mga estudyante ay gagamitin lamang umano ang mga kabataan para palakasin ang militarisasyon.

 

490

Related posts

Leave a Comment