RUTA NG BUS, DARAGDAGAN

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga transport official na magdagdag ng bus routes sa Metro Manila para maginhawaan ang mga mananakay na labis na dumaraing ngayong general community quarantine dahil sa kawalan ng masasakyan.

Ang Metro Manila ay isinailalim na sa ‘less stringent GCQ’ ngayong linggo subalit ang public transport services ay nananatiling limitado dahilan para mapilitan ang mga mananakay na maglaan ng ilang oras sa lansangan para lamang makarating sa kanilang destinasyon.

“Ramdam din po ng Presidente ang hirap ni Juan dela Cruz sa pagko-commute,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“Nagbigay ng direktiba ang Presidente na dagdagan pa ang ruta ng mga bus na bumibyahe sa Metro Manila simula po bukas (ngayon),” aniya pa rin.

Nauna rito, sinabi ng Department of Transportation-Land Transportation Franchising and Regulatory Board (DOTr-LTFRB) na may tatlong city bus routes ang magbubukas ngayong Biyernes, Hunyo 5.

Ang tatlong bagong ruta ay: Route 1: Monumento – Balagtas, Bulacan; Route 17: EDSA – Montalban, Rizal; Route 18: NAIA Loop.

Ang mga sumusunod na city bus routes ay ilulunsad naman sa darating na Lunes, Hunyo 8: Route 3: Monumento – BGC; Route 11: Gilmore – Taytay; Route 21: Monumento – San Jose Del Monte.

Nakatakda namang makipagpulong ang LTFRB sa concerned bus operators ngayong araw para madetermina ang bilang ng mga unit na agad ide-deploy. CHRISTIAN DALE

64

Related posts

Leave a Comment