Sa gitna ng banta ng Omicron variant LOCKDOWN, FACE SHIELD NAGBABADYANG IBALIK

(JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

NAPIPINTONG umiral na naman ang mga lockdown at muling pagpapagamit ng face shield ngayong may banta ng Omicron strain ng Coronavirus na kumakalat na sa ilang bahagi ng mundo.

Kaugnay nito, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa sila sakaling magpatupad ng hard lockdown ang Inter-Agency Task Force (IATF).

Ayon kay PNP Chief PGen. Dionardo Carlos, hindi na ito bago sa PNP, at mayroon na silang template o gagayahing estratehiya katulad noong unang pinairal ang pinaka-istriktong quarantine sa iba’t ibang panig ng bansa.

Gayunman, aminado ang pinuno ng PNP na mas challenging sa kanila ngayon ang mga ipatutupad na hakbang bunsod na rin ng paparating na eleksyon.

Posible aniyang umapela ang PNP sa Commission on Elections na baguhin ang campaign guidelines para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Para naman kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar, Secretary Carlito Galvez, pinag-aaralan na nila ang posibilidad na muling ipagamit ang face shield dahil sa banta ng COVID-19 Omicron variant.

May ilan anyang taga-World Health Organization na naniniwalang ang dagdag-proteksyong ibinibigay ng face shield, ang rason kaya’t nagkaroon ng magandang resulta ang kampanya ng bansa kontra Delta variant.

Una nang tinukoy ng WHO bilang variant of concern ang Omicron dahil sa taglay nitong multiple mutations.

Pero nilinaw ng WHO na kailangan pa ng karagdagang pag-aaral upang mabatid kung gaano ito ka-peligroso o kalakas at kabilis makapanghawa kumpara sa ibang variants of concern.

Quarantine control points

Samantala, muli ring maglalagay ng mga quarantine control point ang PNP sa sandaling itaas sa Alert Level 3 o 4 ang ilang mga lugar sa bansa.

Ani PNP Chief Carlos, ilalagay ang quarantine control points sa matataong lugar para maiwasan ang pagkahawa-hawa ng virus.

Isa rin aniya sa magiging dahilan ng pagbabalik ng mga quarantine control points ay ang papalapit na Christmas season kung saan inaasahan ang paglabas ng bahay ng mas nakararaming residente.

Payo ng experts

May paalala naman ang isang health expert na paghandaan ang posibleng epekto ng Omicron sa sandaling makapasok ito sa bansa.

Nagbabala si Dr. Ted Herbosa, National Task Force against COVID-19 Adviser, sa gitna ng mga naitatalang Omicron cases sa ilang panig ng mundo, partikular sa Europa.

Posible aniyang maging katulad ang Omicron ng Delta o Beta variants, na maaaring dalhin ng mga uuwing Pilipino mula sa ibayong dagat.

Kaya ipinaalala niya na bukod sa pagpapabakuna, dapat mag-ingat din ang mga nagtutungo sa mga mataong lugar, partikular sa political activities.

Pagpasok ng Omicron

TIYAK na makapapasok pa rin sa bansa ang Omicron variant, gaano man kahigpit ang border control na pinaiiral sa bansa.

Babala ito ng mga eksperto kaya marapat umanong paghandaan na ngayon pa lamang ang mga posibleng epekto ng panibagong COVID-19 variant.

Ayon kay Dr. Beverly Ho, Director for Health Promotion Bureau ng Department of Health (DOH), hindi naman maaaring isara habambuhay ang mga border ng Pilipinas kaya’t hindi maiiwasang pumasok sa bansa ang bagong variant.

Para naman kay OCTA Research Fellow, Dr. Guido David kahit anong higpit ng border control, makapapasok pa rin ang Omicron kagaya ng Delta variant.

Ani David, may tsansa pa rin namang hindi makapasok ang bagong variant kung magiging mabilis ang pag-aksyon ng mga kinauukulan. Tulad aniya ng agarang pagpapatupad ng travel ban at pagpapaigting sa vaccination drive.

Worst case scenario

KUNG mayroon dapat unahin ang pamahalaan, ito’y ang paghahanda sa worst case scenario bunsod ng mga babala ng World Health Organization (WHO) na nagsabing 500 ulit na mas mabagsik ang peligrong dala ng bagong COVID-19 Omicron variant.

Giit ni Deputy Speaker Eric Martinez, higit din kailangan ang mabisang ugnayan sa pagitan ng national government at local government units para sa pagpapatupad ng mahigpit na border control upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang karamdaman – sakaling mayroon nang nakapasok sa sa bansa.

“This is yet another challenge to all of us Filipinos, more so for our government to be more vigilant than ever in any possible manner,” ani Martinez.

Unang nadiskubre ang Omicron variant sa South Africa nitong nakaraang linggo. Sa bagsik ng bagong variant, mabilis itong kumalat sa iba pang mga bansa – kabilang ang Hongkong at iba pang mga estado sa paligid ng bansang Pilipinas.

Panawagan naman ni Deputy Speaker Bernadette Herrera, dapat pang palawigin ng gobyerno ang travel ban sa mas marami pang bansa kung saan naitala ang Omicron.

“Hindi dapat tayo malusutan ng Omicron dahil maaaring mawalan ng saysay ang ating mga paghihirap at pagtitiis lalo na sa paulit-ulit na lockdown mula noong isang taon,” ani Herrera.

2

Related posts

Leave a Comment