Sa gitna ng pandemya 2.3M KABATAAN TIGIL ESKWELA

0

MAHIGIT dalawang milyong kabataan ang Out of School Youth (OSY) dahil hindi nakapag-enroll ngayong School Year (SY) 2021-2022.

Ito ang lumabas sa pagdinig sa budget ng Department of Education (DepEd) sa Kamara na sinabayan ng kilos protesta ng mga militanteng grupo sa harap ng Batasan Pambansa kahapon.

Sa deliberasyon sa P773.6 billion pondo ng DepEd, sinabi ni Secretary Leonor Briones na kahapon ng umaga (Setyembre 14) ay umabot sa 26.23 million na ang nakapag-enroll ngayong school year.

Gayunpaman, sinabi ng mga mambabatas sa Kamara na kulang pa rin ito ng 2.31 million dahil umaabot sa 28.54 ang bilang ng mga kabataan na dapat ay nag-aaral ngayon.

Aminado rito si Briones dahil umabot umano sa 70% sa mga estudyante sa private schools ang hindi nakapag-enroll ngayong taon subalit umaasa ito na mababawasan ang OSY dahil hanggang sa katapusan ng buwan pa aniya tatanggap ng enrollees sa mga pampublikong paaralan.

Bukod dito, pinalalakas umano ng mga ito ang alternative learning system (ALS) program para makahabol ang ibang estudyante.

Lugi sa distance learning

Lumabas din sa naturang deliberasyon na halos walang natutunan ang mga estudyante sa distance learning na siyang sistemang ginagamit ngayon habang nasa gitna ng pandemya ang bansa.

Ayon sa isang mambabatas, sa isang pag-aaral ay nakita na sa 10 buwan na distance learning system, katumbas lang ito ng 3 buwan na natutunan ng mga estudyante sa face-to-face classes.

Indikasyon na luging-lugi umano ang mga estudyante kaya iginiit ng mga mambabatas na ibalik na ang face-to-face ang classes lalo na sa mga lugar na hindi malala ang COVID-19 cases.

Gayunpaman, sinabi ni Briones na kailangan itong desisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Bukod dito, ayaw umano nilang isugal ang kalusugan ng mga guro at mga estudyante lalo na’t nananatiling banta ang Delta variant na itinuturong dahilan ng pagdami ng COVID-19 cases. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment