SA HALIP IPILIT, PAGHIMOK SA PAGBABAKUNA PALAKASIN

DAPAT palakasin ng gobyerno ang kampanya na mahimok ang di-bakunadong indibidwal na piliin ang magpaturok ng COVID-19 vaccine upang maprotektahan ang kanilang sarili at pamilya sa halip na ipagpilitan ito dahil walang batas sa bansa na nagsasabi na mandatory ang pagbabakuna, ayon kay Sorsogon Gov. Chiz Escudero.

Ipinaliwanag ni Escudero na naka-emergency use authorization o naka-EUA pa rin hanggang ngayon sa Food and Drug Administration ang lahat ng bakunang mayroon sa Pilipinas kung kaya hindi ito puwedeng ipagpilitan sa mga mamamayan.

“Naka-EUA pa ang mga bakunang ito at ibig sabihin lang, may mga clinical trials pa bago magawang mandatory ng gobyerno ang vaccination,” ani Escudero na kumakandito para sa Senado.

“Kapag nakapasa na ang mga bakuna sa lahat ng pagsusuri at pag-aaral na dinaanan ng mga ito, doon lang mangyayari na maging parte ito ng isang polisiyang pagkalusugan na maaaring ipatupad gamit ang police power ng gobyerno.”

Dahil sa kawalan ng nasabing mandato, sinabi ng dating senador na tutukan na lamang muna ng pamahalaan ang paghimok sa mga di-bakunadong indibidwal at pati na ang pag-abot sa mga Pilipino na kasali sa target population subalit hindi pa rin nababakunahan hanggang ngayon.

“Let us talk to the them and convince the unvaccinated to get vaccinated instead of forcing them to do so. Ang maganda ay makumbinsihan tayo sa bisa at proteksyon na ibinibigay na bakuna, at huwag magpilitan o magtakutan,” ani Escudero na fully vaccinated at may booster na rin.

“Ako po ay para sa vaccination at dapat na magtulungan tayo at gawin natin ang lahat upang makumbinsi ang kapwa na magpabakuna na rin,” dagdag niya.

Sa pinakahuling opisyal na numero, nasa 55.6 milyon sa mga mamamayan ang fully vaccinated habang mahigit limang milyon naman sa mga ito nakapagpa-booster na. (ESTONG REYES)

67

Related posts

Leave a Comment