Sa halip itinulong sa mga biktima ni ‘Odette’ – solon PERA NG TAUMBAYAN SAYANG SA PAF AIR SHOW

NAGPUPUYOS ang kalooban ng isang mambabatas sa Kamara sa pagpapalipad ng Philippine Air Force (PAF) ng kanilang F-50 fighter jets sa airspace ng Metro Manila habang milyun-milyon ang naghihirap sa Visayas at Mindanao dahil sa pananalanta ng bagyong Odette.

Nitong mga nakaraang araw, ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ay paulit-ulit na nagpalipad ng kanilang fighter jets ang Air Force kaya hindi aniya biro ang perang nagagastos dito ng taumbayan.

“Sa kada lipad ng FA-50 jets, pera ng taumbayan ang winawaldas na dapat sana’y ibinigay na lang na tulong sa biktima ng bagyong Odette at malaganap na kahirapan,” ayon sa mambabatas.

Kahit nagsasagawa aniya ang Air Force ng post-disaster missions, ang air show ng mga ito sa Metro Manila ay kawalang paggalang sa mga Pilipinong nagugutom sa Visayas at Mindanao.

Bagaman walang ibinigay na impormasyon si Brosas kung magkano ang nagagastos sa bawat lipad ng isang fighter jet, hindi aniya biro ang halaga nito na puwedeng maitulong sa mga biktima ng nagdaang bagyo.

Nagpatutsada rin ang mambabatas na sa kabila ng mga military asset ngayon ng Pilipinas ay wala itong magawa laban sa pananakop ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.

“And come to think of it: we have all these military assets but we are still helpless in the face of China’s continued aggression and expansionism in the West Philippine Sea. What is there to celebrate about?,” tanong pa ng mambabatas.

Sa ngayon ay nasa kontrol ng China ang malaking bahagi ng WPS at ilang teritoryo ng Pilipinas ang tinayuan ng nasabing bansa ng military facilities. (BERNARD TAGUINOD)

3

Related posts

Leave a Comment