MAKABUBUTING tuluyan nang lusawin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Maharlika Investment Fund (MIF) dahil walang foreign investors ang susugal sa isang basurang batas.
Ayon ito kay Albay Rep. Edcel Lagman na hindi na umano nagtaka nang iutos ni Marcos na suspendihin muna at patuloy na pag-aralan ang MIF law.
“Haste makes waste” is an appropriate aphorism for inscription on the epitaph of the Maharlika Investment Fund,” reaksyon ng mambabatas.
Aniya, anim na buwan lamang ginawa ang nasabing batas kaya hindi ito dumaan sa mabusising pag-aaral ng mga kaalyado ni Marcos sa Kongreso kasama na ang kanyang economic managers.
Agad naramdaman ang kawalan ng masusing pag-aaral sa MIF Act nang humingi ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ng exemption sa requirement ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) matapos maubos ang kanilang capital assets dahil sa kontribusyon ng mga ito sa MIF.
“No foreign investor has come to the rescue of the MIF,” ayon pa kay Lagman lalo na’t alam ng mga dayuhang negosyante na hindi perpekto ang nasabing batas.
Umaabot sa P75 bilyon ang pinagsamang kontribusyon ng dalawang bangko sa Maharlika Fund.
Kaugnay nito, umapela si Bayan Muna chairman Neri Colmenares sa Korte Suprema na desisyunan na ang kanilang petisyon na kumukuwestiyon sa constitutionality ng nasabing batas.
“We urge the Supreme Court to decide on our petition against the constitutionality of the railroaded passage of the Maharlika law and forever prohibit this presidential abuse of the power to railroad legislative proceedings,” ani Colmenares.
Ayon sa mambabatas, inabuso ni Marcos ang kanyang kapangyarihan nang sertipikahan nito bilang urgent ang MIF kaya kumpara sa ibang panukalang batas, 6 na buwan lamang ang itinagal nito sa dalawang kapulungan ng Kongreso kung saan sa Kamara ay tatlong linggo lang itong binuo.
“The Office of the President’s reason for stopping the MIF’s implementation is to “further study the plan” meaning it was rushed and half-baked. It would be better if it is scrapped now before more taxpayers money is wasted on this endeavor,” ayon pa kay Colmenares.
Matatandaang ibinaba ni Marcos sa zero ang remittance ng Land Bank sa gobyerno.
Nakasaad sa Executive Order No. 43, na nilagdaan ni Marcos Jr. noong Oktubre 11 ngunit isinapubliko lamang noong Sabado, ang porsyento ng net earnings ng state-run bank na dapat ideklara at i-remit sa gobyerno ay ibinaba sa 0 percent ng annual net earnings nito.
Iniuutos ng Republic Act No. 7656, o Dividend Law, na lahat ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) ay magdeklara at mag-remit ng ‘at least’ 50 percent ng kanilang annual net earnings sa national government.
Sa ilalim ng Section 5, pinahihintulutan ang Pangulo na mag-adjust ng rate “in the interest of national economy and general welfare” at sa rekomendasyon ng finance secretary.
Gayunman, sa paglalagda ng nasabing order, sinabi ng Pangulo na ang adjusted dividend rate ng Land Bank ay magko-cover lamang sa kita ng bangko noong 2022.
114