Sa kapabayaan ni BBM PINAS TOP RICE IMPORTER NA – FARMERS

(BERNARD TAGUINOD)

ITINUTURING ng isang grupo ng mga magsasaka na malaking krimen na nagawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang paglalagay nito sa bansa bilang top rice importer kung saan nadaig na nito ang China.

Sa report ng United States Department of Agriculture (USDA), aabot umano sa 3.8 million metric tons (MT) ang aangkating bigas ng Pilipinas sa marketing year 2023-2024 na mas mataas sa 3.5 million MT ng China.

“Malaking krimen ito ni Marcos Jr. sa mamamayang Pilipino dahil sa kapabayaan na paunlarin ang lokal na industriya ng palay at bigas at walang komprehensibong plano sa pagsusulong ng national food security at self-sufficiency ng bansa,” ani Cathy Estavillo, spokesperson ng Amihan-Bantay Bigas.

Mula aniya nang maupo sa poder si Marcos, bukambibig na nito ang importasyon at nagmamakaawa sa ibang bansa ng imported rice gayung kaya naman itong iproduce ng mga lokal na magsasaka kung may sapat na tulong at programa sa industriya ng agrikultura sa bansa.

Gayunpaman, patuloy na pinababayaan aniya ni Marcos, na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA) ang lokal na magsasaka dahil umaasa lamang ito sa imported rice na ang tanging nakikinabang ay ang mga rice cartel at importers.

“Walang pakinabang ang mamamayan sa importasyon kundi ang mga kumprador, haciendero, burukrata kapitalista at traders, smugglers, at hoarders o kartel, habang ibinalibag sa kahirapan at kagutuman ang mga maralitang prodyuser at mga konsyumer,” ayon pa kay Estavillo.

Hindi rin aniya nangyayari ang pangako ng gobyerno na bababa ang presyo ng bigas sa importasyon dahil hindi ito nangyari mula nang maipatupad ang Rice Liberalization Law noong 2019.

Noong 2022, aniya, 3.8 million MT ang inangkat na bigas ng Pilipinas mula sa Vietnam, Myanmar, Thailand, Pakistan, India, China, Singapore, Japan, at Spain at noong Agosto 2023, 1.995 million MT ang pumasok na imported rice mula pa rin sa mga nabanggit na bansa.

Ngayong Agosto 2023, 1.995 MMT imported na bigas mula sa Vietnam, Myanmar, Thailand, Pakistan, India, Cambodia, China, Japan, Italy, at Spain.

“Ngayong anihan sa Oktubre, darating sa bansa ang 500,000 metriko tonelada ng imported na bigas mula sa India. Iba pa ang pagmamakaawa ni Marcos Jr. sa Vietnam na nagresulta sa five-year rice supply agreement na ibig sabihin, tuluy-tuloy na pagbaha ng imported na bigas sa bansa,” ayon pa kay Estavillo.

327

Related posts

Leave a Comment