HINIMOK ni Senator Risa Hontiveros ang gobyerno na magbigay ng karagdagang suporta sa mga driver at operator ng public utility vehicles sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produkto dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine.
“Hindi talaga sapat at paubos na ang natatanggap na tulong sa ating mga bus, jeep, at tricycle. Kapag pinabayaan natin silang tumigil sa pasada, wala tayong masasakyan,” ani Hontiveros.
Nagbabala rin ang senador na ang mga kasalukuyang driver at operator ng mga tradisyunal na PUV ay unti-unting napapatalsik ng mga baguhang may sapat na kapital at hindi nakaranas ng pagdurusa sa panahon ng pandemya. Bukod dito, ang mga tinatawag na “new players” ay hindi rin kinailangan na humarap sa kawalan ng aksyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga petisyon para taasan ang pamasahe.
Base sa rekomendasyon ng Department of Energy (DOE), inaprubahan ang Pantawid Pasada program noong Marso. Ngunit sa kasalukuyang sitwasyon, ang P6,500 kada buwan na nakuha ng mga tricycle at jeepney drivers sa kanilang landbank-issued na Pantawid Pasada cards ay halos wala ring nabibigay na ginhawa sa kanila.
“Yung P6,500 para sa jeepney drivers ay nagiging buwanang pantapal lang sa dagdag-presyo ng langis at iba pang bilihin. Kapag hindi ito nasundan, ang ending ay hindi man lang aabot sa minimum wage ang kita ng mga driver at mapipilitan na silang tumigil ng pasada,” paliwanag ni Hontiveros.
Ang kalagayan ng mga PUV driver ay nasa ilalim ng mandato ng LTFRB. Gayunman, sinabi ni Hontiveros na ang gobyerno sa kabuuan ay dapat magkaroon ng pangmatagalang interbensyon. (ESTONG REYES)
98