Sa mga bakunadong estudyante LIMITED FACE-TO-FACE CLASSES PAYAGAN NA

0

NANAWAGAN si Senador Francis ‘Tol’ Tolentino sa Malacañang na payagan na ang limitadong face-to-face classes para sa mga mag-aaral sa graduate school at law school.

Sa kanyang lingguhang programa sa DZRH, sinabi ni Tolentino na wala siyang nakikitang problema kung papayagan ng pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ibalik sa face-to-face ang klase ng mga estudyanteng kumukuha ng post-graduate degrees basta’t sila’y bakunado na kontra COVID-19.

Ani Tolentino, karamihan sa mga mag-aaral na kumukuha ng post-graduate programs ay kabilang sa uring manggagawa at kwalipikadong bakunahan laban sa COVID.

Paliwanag pa ng senador, mababa ang peligro kung papayagan ang mga post-graduate student na dumalo sa limitadong face-to-face classes basta’t lahat sila ay bakunado na at susunod pa rin sa mga minimum health protocols na inilatag ng awtoridad.

Dagdag pa ng mambabatas, dapat bakunado na rin ang mga faculty member at iba pang kawani ng mga kolehiyo at unibersidad bago payagan ang limitadong face-to-face classes para sa mga kumukuha ng post-graduate degrees.

Matapos ang masusing pag-aaral ng Commission ng Higher Education (CHED), pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Pebrero ang limitadong face-to-face classes sa mga estudyanteng kumukuha ng kursong medikal at pangkalusugan.

Sa pagtataya ng National Economic and Development Authority (NEDA), aabot sa P11-trilyon ang posibleng lugi ng bansa sa loob ng susunod apat na dekada dahil sa isang taong kawalan ng face-to-face classes. (ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment