Sa operasyon ng jueteng sa Cavite ROLETA NG BAYAN GAMIT NI ‘JOHN YAP’

0

(NELSON S. BADILLA)

TOTOONG namamayagpag ang jueteng empire ng isang alyas “John Yap” sa Cavite.

Tiniyak ito ng mapagkakatiwalaang source ng SAKSI Ngayon.

Ngunit, hindi halata dahil ang gamit ng jueteng ng nasabing John Yap ay “Roleta ng Bayan”.

Sa ibang salita, puwedeng sabihing “prente” ang roleta ng bayan.

Tinuran ng source na malaking kalokohang roleta ang gagamitin ng nagpapajueteng para ikasa ang operasyon nito sa mga lungsod at bayan ng Cavite, samantalang napakalawak ng lalawigang ito.

Sa sobrang lawak ng Cavite ay pinaniniwalaang napakaraming butas ang jueteng empire ni alyas John Yap.

Dahil dito, sobrang sipag ng mga ‘kapartner’ ng nasabing Yap sa pagtiyak na hindi magugulo o hindi guguluhin, ng mga pulis at mga barangay ang malawak na jueteng empire ng binabanggit na alyas John Yap.

Ang mga sinasabing kasosyo ni Yap ay sina “Zalding”, “Caloy”, at “Elwin”.

Ang tatlong ito ay ‘beterano’ na sa jueteng at iba’t ibang klaseng ilegal na sugal tulad ng saklang-patay, mga ilegal na sugal sa perya at maging ang mga tinatawag na ‘sugal – lupa’ gaya ng drop ball.

Kilalang-kilala ang pangalan at mukha ng tatlong ito ng mga pulis sa Cavite, kabilang na iyong ilang mga nakadestino sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) hanggang sa headquarters ng Philippine National Police (PNP) ng Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Kaya naman, sila ang kinuha ni alyas John Yap nang pasukin n’ya ang Cavite habang ang nakaupong hepe ng PNP-Calabarzon ay si Direktor Vicente Danao Jr., habang si Colonel Marlon Santos naman ang provincial director ng PNP sa Cavite.

Hindi naman makumpirma ng source ng SAKSI Ngayon kung alam ni Gobernador Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. na prente ng jueteng ni alyas John Yap ang Roleta ng Bayan.

Pero, tiyak nakarating sa administrasyon ni Remulla na mayroon pa ring mga astig na gambling lord na nagnenegosyo ng ilegal na sugal sa Cavite.

Kung ipag-uutos ni Remulla kay Santos na kumilos laban sa jueteng empire ni alyas John Yap ay asahang kikilos ang nasabing hepe ng pulisya ng lalawigan.

Ngunit, kung talagang masipag, tapat at seryoso sa trabaho, tungkulin at obligasyon sa PNP, bansa at mamamayan si Colonel Santos ay hindi na kailangang utusan pa ito ni Remulla upang mapatigil ang napakalawak na jueteng operation ni alyas John Yap.

Hindi na rin kailangang ipatawag ng bagong hepe ng PNP-Calabarzon na si Brig. Gen. Eliseo DC Cruz si Colonel Santos.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment