Sa pag-aresto sa transport leaders PROTESTA KRIMEN NA BA SA MARCOS ADMIN? – SOLON

(BERNARD TAGUINOD)

SA halip pakinggan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hinaing ng mga tsuper na kontra sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay tinatratong kriminal na ang mga ito.

Reaksyon ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos arestuhin ng mga otoridad ang mga transport leader mula sa PISTON at Manibela sa Bacolod City na nagsasagawa ng protesta sa Transport summit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Bingi-bingihan ang gobyerno sa mga hinaing ng mga tsuper na apektado ng PUV modernization program. Imbes na pakinggan, hinuli pa at tinatrato na parang kriminal,” pahayag ng mambabatas.

Kabilang umano sa mga inaresto sina Lilian Sembrano, Rudy Catedral, Eric Bendoy, Shallemar Leutner, Melchor Omangayon, at Rodolfo Gardoce na kinasuhan ng disobedience dahil sa isinagawang protesta.

“Karapatan ng mga jeepney drivers na magprotesta lalo’t sila ang babalikat ng milyong piso utang na aabutin nila dahil sa PUV modernization program,” paliwanag ni Brosas.

Magugunita na tinabla ni Marcos ang pagpapalawig sa konsolidasyon ng mga tradisyunal na pampasaherong jeep sa isang korporasyon o kooperatiba kaya nangangamba ang mga kontra sa programa na tuluyan silang aalisin sa mga lansangan.

Sinabi ni Brosas na ito ang dahilan kaya patuloy na nagsasagawa ng kilos protesta ang mga tutol para gisingin ang gobyernong Marcos at ibasura ang nasabing programa dahil hindi lamang ang mahihirap na tsuper ang maaapektuhan dito kundi ang commuters.

“”We must unite and resist the attempts to undermine our rights and livelihoods. The fight for justice for our transport leaders is a fight for all workers and marginalized sectors,” ayon pa kay Brosas.

58

Related posts

Leave a Comment