HINDI lamang sistema sa pulitika sa Pilipinas ang kailangan nang i-overhaul kundi maging ang hustisya.
Ito ang iginiit ng Makabayan bloc sa Kamara matapos absweltuhin ng Sandiganbayan sa plunder case sina Presidential Legal counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile, Atty. Gigi Reyes at Janet Napoles.
“The acquittal of Enrile, despite the seriousness of the charges, only strengthens the call for a thorough overhaul of our justice system to prevent further miscarriages of justice. Parang padami nang padami ang mga kaso na may krimen pero walang kriminal at minsan naman ay walang krimen pero may pinapakulong,” ani House deputy minority leader at ACT party-list Rep. France Castro.
Matapos ang 10 taong paglilitis, tuluyang inabswelto ng Sandiganbayan Third Division sina Enrile, dating chief of staff nito na si Reyes at ang tinaguriang Pork Barrel Scam Queen na si Napoles, noong Biyernes.
Labis itong ikinabala ni Castro dahil posibleng lalala pa aniya ang nakawan sa gobyerno lalo na kung ang mga sangkot ay makapangyarihan at maimpluwensyang mga tao.
“Ang ganitong ruling ang nagpapakita ng ‘di magandang halimbawa sa mga kabataan na basta maimpluwensya at mapera ka ay makakalusot ka maski di mo pinapaliwanag san mo winaldas o kung kinurakot mo ang pera ng bayan,” ani Castro.
Ang mga nabanggit ay unang kinasuhan ng plunder case noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kaugnay ng P172 million pork barrel ni Enrile na idinaan sa mga pekeng non-government organization (NGO) ni Napoles.
Ang nasabing halaga ay bahagi ng P10 billion pork barrel ng mga mambabatas na nakopo umano ni Napoles noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo subalit ibinulsa lamang.
“This decision not only undermines efforts to combat corruption but also emboldens those who misuse public funds. As we scrutinize the budget under the Marcos Jr. administration, forms of pork barrel like unprogrammed appropriations and confidential funds remain unchecked, further enabling corruption and anomalies,” ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sampal ang desisyong ito sa taumbayan na pinagkanawakan at lumaban para wakasan ang katiwalian sa gobyerno.
Bukod dito, nangangamba ang mambabatas na posibleng maulit ang ganitong nakawan lalo na’t hindi pa rin nawawala ang pork barrel ng mga mambabatas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“The pork barrel system is very much alive until now because the Marcos Jr. admin is feeding it more and more. Wala talagang bago sa Bagong Pilipinas,” ani Manuel. (BERNARD TAGUINOD)
45