Sa pagkakasangkot ng high-ranking PNP officials P6.7-B DRUG HAUL PINABUBUSISI SA SENADO

(DANG SAMSON-GARCIA)

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang pagkakasangkot ng ilang high-ranking official ng Philippine National Police (PNP) sa P6.7 billion drug bust sa lungsod ng Maynila noong isang taon.

Sa kanyang Senate Resolution No.564, nais ni Revilla na magsagawa ng investigation in aid of legislation sa pagkakaaresto kay Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., sa drug buy-bust operation.

Ikinadismaya ng senador ang impormasyon na tinangka pang itago ang pag-aresto kay Mayo.

Ito ay nang isapubliko ni DILG Secretary Benhur Abalos ang CCTV footage kung saan makikita ang ilang matataas na opisyal ng PNP sa naganap na buy-bust operation.

Sinabi ni Abalos na sa halip agad arestuhin si Mayo ay makikita sa footage na ilang mga pulis ang naglilipat ng mga bag at luggages sa iba’t ibang sasakyan.

Lumitaw rin sa footage na kinausap pa si Mayo ng ilang matataas na opisyal saka tinanggalan ng posas bago isinakay sa behikulo.

Kasama sa video footage sina Police Lt. General Benjamin Santos Jr., na noon ay deputy chief for Operations; Brig. Gen. Narciso Domingo, director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG); Col. Julian Olonan, chief ng PDEG- Special Operations Unit (SOU); Capt. Jonathan Sosongco, namuno sa PDEG- SOU Region 4-A arresting team.

Iginiit ng senador na dapat alamin ang pagkakasangkot ng iba pang opisyal sa isyu ng droga.

Samantala, inirekomenda ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sibakin na sa pwesto at sampahan ng kaso ang mga opisyal na isinasangkot sa nasabing kontrobersya.

Ito ay matapos ibunyag ni Abalos ang pangalan ng mga police official na sangkot sa nasabat na multi-bilyong pisong droga na hinimok din na maghain na ng leave of absence habang patuloy ang imbestigasyon.

Binigyang-diin ng senador na hindi na dapat manatili ang mga opisyal sa kanilang posisyon upang hindi na makaimpluwensya sa magiging resulta ng pagsisiyasat.

Una nang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni dela Rosa kaugnay sa impormasyon na ginagawang reward sa mga assets ng ilang pulis at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga nakukumpiskang droga.

Sa pagdinig, natuklasan din ng mga senador ang pagtatangka ng ilang pulis na kunin ang bahagi ng nakumpiskang droga subalit ibinalik sa Kampo Crame.

147

Related posts

Leave a Comment