Sa pagpayag na ibenta smuggled sugar sa Kadiwa KMP: SMUGGLING KINUKUNSINTE NI BONGBONG

(BERNARD TAGUINOD)

MISTULANG pagpayag o pangungunsinte sa smuggling ang pagbibigay ng basbas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibenta sa Kadiwa centers ang mga nakumpiskang smuggled sugar.

Reaksyon ito ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) matapos aprubahan ni Marcos Jr. ang pagbebenta ng smuggled sugar sa Kadiwa centers sa halagang P70 kada kilo.

“Ang dapat gawin ng Pangulo, pigilan at sugpuin ang smuggling, hindi gawing legal ang pagbebenta ng mga kontrabandong asukal at iba pang produktong agricultural,” ani Danilo Ramos ng KMP.

Hindi aniya dapat gamitin ni Marcos ang mga magsasaka ng asukal para ikatwiran ang pagbebenta ng smuggled sugar bagkus ay suportahan ang mga ito at palakasin ang industriya upang magkaroon ng sapat na supply.

Nasa 12,000 metric tons (MT) ng smuggled sugar ang ibebenta sa mga Kadiwa ng Pangulo na kinabibilangan ng 8,000 MT na nakumpiska sa Batangas at 4,000 MT naman sa Subic.

“Kapag ibinenta ang mga smuggled na asukal, kikita pa rin ang mga smuggler pati na ang mga protektor at kasabwat nila sa DA,” ayon pa kay Ramos, subalit hindi nito nilinaw kung papaano.

Tila sinang-ayunan din nito si Senador Risa Hontiveros na naunang nagsabi na mistulang state-sponsored smuggling ang nangyayari sa Pilipinas.

“Hangga’t mismong ang mga mataas na opisyal ng DA ang sangkot sa state-sponsored smuggling, magiging napakahirap na masawata ng smuggling at ng malawakang korapsyon sa industriya ng asukal,” dagdag pa ni Ramos.

Noong Marso 17, nasa 530 bags o 780,000 kilo ng kontrabandong asukal ang nasabat sa Port of Subic na idineklarang tsinelas at nakapangalan umano sa MFBY Consumer Goods Trading na kung ibebenta sa prevailing price na P110 kada kilo ay aabot ng P85 million.

“Maraming nasasabat ang DA at Bureau of Customs na mga kontrabandong produktong agrikultural pero hindi talaga natitigil ang smuggling dahil malakas ang proteksyon nila mula sa DA at Malakanyang,” ayon kay Ramos.

Binigyan ng basbas

Nauna rito, pinayagan ni Pangulong Marcos Jr. ang pagbebenta ng mga nasamsam na smuggled sugar sa Kadiwa centers.

“Kamakailan, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang rekomendasyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibigay bilang donasyon sa Department of Agriculture (DA) ang 4,000 metric tons na nahuling smuggled refined sugar upang maipagbili sa publiko sa mga Kadiwa Centers sa halagang katumbas ng actual mill gate prices na sa ngayon ay nasa P70 per kilo,” ayon sa kalatas ng Presidential Communications Office (PCO).

Ipinag-utos din ng Pangulo sa DA at SRA na makipag-ugnayan sa BOC at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang masiguro na ang ibebentang asukal ay pumasa sa “food safety act” at iba pang regulasyon.

Sa kasalukuyan, nasa pagitan ng P86 at P110 kada kilo ang presyo ng refined sugar sa mga pamilihan.

“Naisin mang ipamigay ito ng libre direkta sa mga nangangailangan, kailangang isaalang-alang ang industriya ng asukal, kasama ang mga maliliit na magsasaka. Ang pagbigay ng libre ng mga asukal ay magreresulta sa artipisyal na pagbagsak ng presyo na ikalulugi ng mga kababayan nating nasa industriya ng asukal,” ayon sa PCO.

“Yung layunin po nito is to provide the consuming public with the cheaper sugar in the market,” ang sinabi naman ni SRA board member at planters’ representative Pablo Luis Azcona sa isang panayam.

Suportado naman ng United Sugar Producers Federation of the Philippines (UNIFED) ang naging hakbang ng Malakanyang.

“Itong mga smugglers hindi na nila mare-recycle po. Kasi ang ginagawa, ang madakip ng authorities bini-bidding, ina-auction eh ang bumibili ganun pa rin, sila pa rin mga smugglers. So nare-recycle. So ito no chance to recycle,” ang wika naman ni UNIFED president Manuel Lamata. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

148

Related posts

Leave a Comment