TAPOS na ang maliligayang araw ng mga government personnel na tumulong para makaalis ng Pilipinas ang sinibak sa puwesto na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pananagutin niya sa batas ang mga taong nasa likod ng insidenteng ito.
“The departure of Alice Guo has laid bare the corruption that undermines our justice system and erodes public trust,” ang sinabi ng Pangulo sa isang kalatas.
“Let me be clear: Heads will roll,” diing pahayag ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na mapipilitan ang kanyang administrasyon na hubaran ng maskara ang mga kakuntsaba sa pag-alis ni Guo sa bansa.
“There is no room in this government for anyone who places personal interest above serving the Filipino people with honor, integrity and justice,”giit nito.
Samantala, ipinag-utos ni Executive Secretary Lucas Bersamin, nitong Martes, Agosto 20, ang kanselasyon ng Philippine passport ni Guo. Gayundin ng kanyang mga kamag-anak na sina Wesley Guo, Sheila Leal Guo, at Cassandra Li Ong, awtorisadong kinatawan ng sinalakay na POGO raided sa Porac, Pampanga.
Ang memorandum ay ipinalabas ng Department of Foreign Affairs at Department of Justice.
Nauna rito, isiniwalat naman ni Senator Risa Hontiveros na si Guo, kilala rin bilang Chinese citizen Guo Hua Ping, umalis ng Pilipinas noong Hulyo 18 patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Kinumpirma naman ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na si Guo ay kasalukuyang nasa Indonesia.
Samantala, gigil mode din si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa dapat managot sa pagtakas ni Guo.
Inatasan agad nito si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na magsagawa ng ulat ukol sa insidente.
Isang “final warning” ang ibinaba nito sa mga tauhan ng BI na nakipagsabwatan kay Guo para makatakas ito ng Pilipinas.
Wala ring lusot para panagutin ang mga abogado nito na maaaring naging susi sa ginawang pagtakas. (CHRISTIAN DALE/JULIET PACOT)
54