Sa pagsisimula ng Semana Santa DEBOTO DUMAGSA SA MGA SIMBAHAN

NANUMBALIK ang saya at sigla ng pananampalataya sa bansa makaraang dagsain ang mga simbahan sa iba’t ibang panig ng bansa sa selebrasyon ng Linggo ng Palaspas na hudyat ng pag-uumpisa ng Semana Santa.

Ipinagdiriwang sa Palm Sunday o Linggo ng Palaspas ang pagsalubong kay Hesukristo sa pagpasok niya sa Jerusalem.

Sa Maynila, dagsa ang mga mananampalataya sa Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo para sa mga Misa. Nagpatupad naman ang pamunuan nito ng mahigpit na health at safety protocols tulad ng “one seat apart” at pagsusuot ng face mask para maiwasan ang hawahan pa ng COVID-19 na nananatili pa rin sa bansa.

Samantala, nanawagan ang Caritas Philippines na suportahan ang Alay Kapwa program ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) para matulungan ang daan-libong mahihirap na pamilya sa kanilang iba’t ibang programang pang-komunidad.

Tuwing Linggo ng Palaspas, lahat ng ikalawang koleksyon sa mga misa sa buong bansa ay iipunin para sa Alay Kapwa program ng diyosesis at ng Caritas.

Noong 2020, nakapagbigay ng pang-araw-araw na pagkain ang 50 diyosesis sa higit 150 komunidad, noong 2021 naman ay tumulong ang simbahan sa pagbibigay ng higit sa P114 milyong donasyon para sa mga biktima ng bagyong Odette sa 11 diyosesis.

Samantala, nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa ‘minimum public health standards’ ngayong paggunita ng Semana Santa.

Kabilang sa ibinilin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang palagiang pagsusuot ng face mask, isolation kapag sumama ang pakiramdam, tiyakin na maayos ang sirkulasyon ng hangin sa lugar na ginagalawan, at doblehin ang proteksyon sa pagpapabakuna.

Muli rin rin niyang hinikayat ang mga Katoliko na itigil na ang pagpipinitensya dahil sa banta ng sakit na dulot nito at hindi rin naman ito hinihikayat ng simbahang Katolika. (RENE CRISOSTOMO)

232

Related posts

Leave a Comment