Sa pinalawig na Bayanihan Law ‘COVID-19 CRIMES’ WALA NANG PARUSA

SA pagpapalawig ng Bayanihan to Heal as One Law ay tatanggalin ang ikaanim na seksiyon nito na nagbibigay ng matinding parusa sa mga taong gagawa ng krimen, kabilang na ang korapsiyon, sa panahong ipinatutupad ang nasabing batas ngayong kasagsagan ng coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ito ang lumilitaw na ‘matunog’ na magiging desisyon ng mayorya ng mga senador, kundi man lahat, sa kanilang planong palawigin ang Bayanihan Law.

Bago matapos ang Hunyo, tapos na ang itinakdang buhay ng nasabing batas o Republic Act No. 11469 na naging epektibo mula Marso 25.

Palalawigin ang Bayanihan Act nang lampas sa Hunyo dahil napakalaki pa ng suliranin ng bansa hinggil sa masamang epekto ng COVID-19.

Ang mga tatanggaling nilalaman ng Seksyon 6 na itinuturing na bawal ay ang mga opisyal ng pamahalaang lokal na hindi sinusunod at ipinatutupad ang mga polisiya ng pambansang pamahalaan kaugnay sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa COVID-19, mga may-ari at namamahala ng mga ospital na taliwas sa kagustuhan ng pangulo ang mga ginagawa sa mga pasyente, pagtatago at sobra-sobrang tubo sa mga itinitindang produkto, pagmamaniobra ng mga presyo, pandaraya sa mga produkto, pagpapairal ng kartel, pagpapakalat ng pekeng balita at marami pang iba.

Parusang pagkabilanggo ng dalawang buwan o multang P10,000 hanggang isang milyon, o pareho ang mga nakatakdang parusa sa mga lalabag, lalo na sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan, kabilang na ang mga nagtatrabaho sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang napipintong alisin sa probisyon ay ang nagdedeklara ng kasong kriminal sa mga nasabing pagkakasala at paglabag sa R.A. 11469.

Ang desisyong ito ay batay sa rekomendasyon ni Senador Franklin Drilon ng Liberal Party (LP).

Idiniin ni Drilon sa talakayan sa Senado: “I have extreme reservations about renewing Section 6 of R.A. 11469, because of what we have seen as the way it is implemented by those who are in charge. We have seen how law enforcers have used this provision to arrest people for acts which otherwise would not justify arrest without warrants.”

“The alleged violators are mostly the poor and vulnerable who are driven by the hunger and the lack of jobs,” wika ng pinuno ng mayorya sa Senado.

Aniya, ang layunin ng Bayanihan Law ay “to address an emergency [situation brought about by COVID-19, thus] protect the health of our people [and] not to punish a crime per se.”

“We should not criminalize the law,” susog ni Drilon. NELSON S. BADILLA

195

Related posts

Leave a Comment