PAIIMBESTIGAHAN ng Makabayan bloc sa Kamara ang bulok na bigas na natanggap umano ng mga public school teacher na bahagi ng one-time rice allowance ng mga empleyado ng pamahalaan noong Disyembre.
“Extremely late na nga ang pagbibigay ng rice allowance na ito ay halos bulok na at di makain yung ipinamigay na sa mga guro. Nakakainsulto naman ito sa mga kaguruan at bakit ganito ang nangyayari?,” ani ACT party-list Rep. France Castro.
Ayon sa mambabatas, marami silang natatanggap na reklamo na ang mga ipinamigay na bigas sa mga public school teacher sa Nueva Ecija, Mindoro, Bacolod City at Zamboanga del Norte ay hindi na makain kahit ng hayop.
Wala pa rin umanong natatanggap na rice allowance ang mga guro sa ibang rehiyon gayung noong Disyembre pa ito dapat pinamigay dahil bahagi ito ng Administrative Order No. 2s. 2022 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Lubhang nadismaya ang mga guro sa napakababang kalidad ng bigas na kanilang natanggap dahil halos hindi ito makain. Manilaw-nilaw at may amoy ang bigas na natanggap sa Mindoro.
Maitim at parang nabubulok na ang natanggap sa Nueva Ecija. Binubukbok na rin ang bigas na natanggap sa Bacolod City kung kaya ipinatuka na lamang ito ng ilang guro sa mga manok,” pagkumpirma naman ni Vladimer Quetua, chairperson ng ACT.
Layon ng Administrative Order No. 2s. 2022 na bigyan ng tig-25 kilo ang may 1.83 milyong empleyado ng gobyerno. Ginastusan ito ng P1.183 bilyon kaya pumapatak na P25 and kada kilo na ipinamigay sa mga empleyado ng gobyerno.
“Mukhang naghanap lamang ang gobyerno ng pagtatapunan ng mga nabubulok na bigas sa mga bodega ng National Food Authority,” dagdag pa ni Queta.
“Nasayang lamang ang buwis ng mamamayan sa bigas na hindi makain at nainsulto pa ang ating mga guro na umaasa sa kaunting benepisyong kanilang matatanggap. Sa ganitong kalagayan ay dapat na kagyat na imbestigahan ito ng Kongreso pero dapat din na maibigay na ang rice assistance at tiyakin na angkop ang kalidad nito,” sundot naman ni Castro. (BERNARD TAGUINOD)
