Sa unang araw ng implementasyon HIGIT 100 PASAHERO SINITA SA ‘NO VAX, NO RIDE’

SINITA at pinababa sa sasakyan ang mga pasaherong hindi bakunado sa unang araw ng pagpapatupad ng polisiyang no vaccination, no ride/entry sa mga pampublikong sasakyan sa National Capital Region (NCR).

Bandang tanghali kahapon ay may 155 na ang mga pasaherong pinababa sa inspeksyon ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT).

Ikinasa ang magkakahiwalay na operasyon sa Caloocan, Quezon City at Pasay.

Sa Commonwealth Avenue, Quezon City, limang Public Utility Vehicle (PUV) ang sinita habang 12 naman sa Mindanao Avenue.

Karamihan sa mga idinadahilan ng mga pasahero ay nakalimutan ang vaccination card at ang iba ay nagsasabing patungo sila sa vaccination site para magpabakuna.

Samantala, handang tumulong ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng nasabing polisiya.

Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, mas palalakasin nila ang presensya ng mga pulis sa mga bus stop at terminal ng mga passenger utility vehicle at magsasagawa rin ng random check sa mga border control point para matiyak na masusunod ang health protocol.

Sinabi naman ni PNP Spokesperson Police Col. Roderick Alba na magiging aktibo rin ang mga pulis sa pagbabantay sa ibang matataong lugar.

Bukod sa PNP, katuwang din sa pagpapatupad ng polisiya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Dagdag gastos lang

Samantala, tinuligsa naman ng militanteng grupong kumakatawan sa mga kababaihan ang anila’y “no vaxx, no ride” policy na ipinatupad ng DOTR.

Ani Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, isa lang pakulo ang nasabing direktibang inilarawan pa niyang dagdag gastos lamang sa mga nagkukumahog na mamamayan.

Pinuntirya rin ng kongresista ang paggastos ng buwis sa direktiba sa halip na makatulong sa mga tao’y nagdudulot pa ng abala at kabawasan sa kakampot na kita ng mga manggagawa at tsuper ng mga sasakyang pampasada.

Araw ng Lunes nang masampolan at pinababa sa pampublikong sasakyan ang ilang mga pasaherong bigong makapagprisinta ng vaccination cards.

Giit ni Brosas, iligal at walang batayan ang polisiya ng DOTr. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

95

Related posts

Leave a Comment