SA WAKAS; MAGIC 12 PROKLAMADO NA MAKARAAN ANG 9-ARAW

SEN12

(NI HARVEY PEREZ)

NAIPROKLAMA — makaraan ang ilang araw na pagkaantala — Miyerkoles ng umaga ng Commission on Elections (Comelec), ang 12 nanalong kandidato sa pagka- Senador at mga partlist groups sa natapos na midterm elections noong Mayo 13.

Nalaman na siyam na araw matapos ang halalan bago naiproklama ng Comelec na  tumatayong mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC), nang sabay-sabay nitong Miyerkoles ang 12 senador at mga party-list groups.

Alas-10:30 ng umaga nang isagawa ang proklamasyon sa mga nanalong kandidato.

Habang alas-7 naman ng gabi    iprinoklama ang mga nanalong  mga party-list groups, sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, kung saan naka-set up ang canvassing center ng Comelec para sa eleksiyon.

Nabatid na si re-electionist Senator Cynthia Villar, ng Nacionalista Party (NP), ang nakakuha ng unang pwesto sa 2019 senatorial race sa kabuuang 25,283,727 boto,  sa isinagawang canvassing ng NBOC.

Bukod kay Villar, kabilang din sa Magic 12 sina independent candidate at re-electionist na si Senator Grace Poe (22,029,788 votes); (3rd) dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, na tumakbo sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (20,657,702); Taguig Rep. Pia Cayetano ng NP (19,789,019); dating Bureau of Corrections at Philippine National Police chief Ronald “Bato” dela Rosa ng PDP-Laban (19,004,225); re-electionist Senator Sonny Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino (18,161,862); actor at dating Senador Lito Lapid ng National People’s Coalition (16,965,464); Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ng NP (15,882,628); dating MMDA chair Francis Tolentino ng PDP-Laban (15,510,026); re-electionist Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ng PDP-Laban (14,668,665); dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ng Lakas (14,624,445) at re-electionist Senator Nancy Binay ng United Nationalist Alliance (14,504,936).

Habang isinusulat ang balitang ito ay inaantabayanan na rin ang proklamasyon ng mga nominado ng mga party-list groups sa pangunguna ng ACT-CIS, Bayan Muna, Ako Bicol, Cibac, Ang Probinsiyano, 1Pacman, Marino, at Probinsiyano Ako.

Kaugnay nito,pinasalamatan  ni Villar, sa kanyang talumpati, ang Panginoon, Comelec, sina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao Mayor Sara Duterte, ang kanyang mga kapartido, ang mga taong sumuporta sa kanya at lahat ng mga botante na nagluklok sa kanila sa pwesto at tiniyak sa mga ito na gagawin nila ang lahat upang magampanan ang mga tungkuling iniatang sa kanila.

Natapos ang proklamasyon ng mga nanalong Senador dakong alas 11:36 ng umaga.

Una nang nabitin ang dapat sanang proklamasyon ng mga nanalo noong Martes, pero alas

10:35 ng gabi ng Martes pa nang tuluyang na-transmit at mai-canvass ng NBOC ang mga boto mula sa Washington DC at natapos ito dakong 1:24 ng madaling araw ng Miyerkoles.

Nabatid na ang mga naiproklamang senador ay magsisilbi hanggang 2025.

Habang tatlong taon naman magsisilbi  sa Kongreso ang mga nominado ng mga party-list groups.

 

 

134

Related posts

Leave a Comment