SABAH PAG-UUSAPAN NG PH, MALAYSIA

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-uusapan ng foreign ministries ng Pilipinas at Malaysia ang isyu ng Sabah kasunod ng naging pagbisita sa bansa ni Prime Minister Anwar Ibrahim.

Tiniyak ng Pangulo na masinsinan ang magiging pag-uusap sa nasabing isyu.

“Napag-usapan din namin yung isyu ng Sabah, alam niyo naman mayroon tayong claim diyan at sa ngayon, sila ang administrator sa Sabah. Kaya sabi namin kailangan namin mapag-usapan nang masinsinan yan,” ani Pangulong Marcos.

“‘Yung foreign affairs secretary namin ay mag-uusap tungkol diyan kung ano pa ang pwede nating [gawin],” dagdag na pahayag nito.

Sa kabila nito, mananatili namang mainit ang ugnayan ng Maynila at Kuala Lumpur.

Tinukoy ang pagkakatulad ng dalawang bansa.

“Sabi namin kailangan magka-partner tayo dahil pareho ang sitwasyon natin. Umaahon tayo dahan-dahan sa pandemya at hinaharap natin ay kapareho din ng mga hamon lalo na sa importation, sa inflation,” ani Pangulong Marcos.

Para naman kay Anwar, dapat ay pansamantalang mamahinga ang naturang isyu.

“There should not be an issue that easily provoke or cause antagonism because there are too many things in common,” ang wika ni Anwar.

Inilarawan naman ni Anwar ang naging approach ni Pangulong Marcos sa isyu bilang “cordial” sabay sabing hindi kailanman nasangkot ang Filipino officials sa sapilitang pag-angkin sa Sabah.

Itinanggi naman ng Malaysia na ang Pilipinas ay mayroong pag-aari sa Sabah.

Matatandaang Marso 2013, sinabi ni Marcos Jr. na isang senador pa lamang noon na ang Sabah ay pag-aari ng Pilipinas.

“We, as a republic, have a claim over Sabah since the 1960’s, we have historical claim over Sabah and that’s a fact,” anya pa rin. (CHRISTIAN DALE)

292

Related posts

Leave a Comment