Sablay ng DepEd ‘di na dapat maulit MODULES TIYAKING ERROR-FREE – MARCOS

0

UMAASA si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maayos at error-free na ang modules na magagamit ng mga mag-aaral sa muling pagbubukas ng klase ngayong araw.

Kasabay nito’y umapela ang dating mambabatas sa Department of Education (DepEd) na tiyakin ang kalidad ng self-tutoring modules ng mga estudyante sa kasalukuyang sistema ng pag-aaral na online at blended learning habang patuloy sa pamiminsala ang COVID-19.

Binigyang-diin ni Marcos ang hinaing ng mga estudyante noong nakalipas na school year na nagsabing hindi sila natuto nang husto sa bagong sistema at sa mga mali-maling laman ng modules na nakadagdag aniya upang lalong bumaba ang kalidad ng pag-aaral sa bansa.

“Hindi na nga sila natututo nang husto dahil sa mga problema sa internet connectivity at mga distractions that they may also have to contend with in their homes, kung ‘yung mga modules na nagsisilbing textbooks nila, eh, mali-mali pa, aba’y lalong hindi matututo ang ating mga kabataan,” banggit ni Marcos.

Pag-amin ng isang DepEd undersecretary, mula Oktubre 2020 hanggang June 2021, may iniulat na 163 errors sa learning materials na ginamit noong nakaraang taon. Sa mga error na ito, 155 ang nakumpirma base sa isinagawang validation ng ahensya.

Bunga nito, iminungkahi ni Marcos na bumuo ang DepEd ng committee na aatasang magrepaso ng mga learning material upang masigurong hindi na maulit ang mga pagkakamali.

Umani ng batikos sa iba’t ibang sektor ang mga pagkakamaling nakita sa ilang modules na inilabas ng DepEd nang mag-viral ang ilan sa mga ito matapos ireklamo ng mga magulang. Depensa naman ng ahensya, karamihan sa mga mali ay gawa sa regional level.

“Kahit pa sa mga region ginawa ‘yung learning materials, dapat merong komite na nagrereview sa mga ito. Paano magiging educational materials ‘yung mga modules kung mali-mali? Dati sa textbooks, meron nang ganyang issue, wag naman na sanang maulit dahil kawawa ang mga bata,” diin pa ni Marcos.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment