(NI BERNARD TAGUINOD)
LUMILINAW na ang matagal nang hinala ng mga militanteng mambabatas sa Kamara na sinadyang ipitin ni dating Department of Budget and Management (DBM) secretary Benjamin Diokno ang salary increase ng mga government employees ngayong taon at ginamit na propaganda laban sa bangayan ng Kongreso sa 2019 national budget.
Ito ang pahayag ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio matapos aminin ni DBM acting Secretray Janet Abuel na puwedeng matanggap ng mga kawani ng gobyerno ang 4th tranche ng Salary Standardization Law (SSL) 4 kahit reenacted ang national budget.
“Patunay ito na sadyang inipit lang ng Malacaňang ang release ng increase upang magamit sa propaganda kontra sa Kongreso habang pinag-aawayan ang hatian ng pork sa 2019 budget. Sa madaling sabi, sa ngalan ng pamumulitika at katiwalian, pinagkakait ng administrasyong,” ani Tinio.
Ang ang ikaapat at huling tranche ng SSL 4 ay hindi naipatupad noong Enero 1, 2019 matapos mabigo ang dalawang Kapulungan ng Kongreso na maipasa ang 2019 national budget.
Sinabi ni Tinio na itinanggi noon ni Diokno na hindi maaaring ibigay ang huling tranche ng salary increase ng mga empleyado ng gobyerno hangga’t walang bagong budget subalit kontra ito sa pahayag ni Abuel.
“Kakarampot na ngang dagdag-suweldo sa mga guro at kawani na ginigipit ng mataas na presyo (iniipit pa). Ito ba ang gobyernong “may malasakit”?,” pahayag ni Tinio.
Dahil dito, nanawagan ang mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas na ng executive order upang mabayaran na ang salary increase ng mga government employees sa lalong madaling panahon.
153